Sa larawan, makikita si Cainta Mayor Ellen Nieto na nangunguna sa pagdiriwang ng “SUMBINGTIK FESTIVAL” (Suman, Latik, at Bibingka) float parade habang kinakapanayam ng ilang mamamahayag.
CAINTA, Rizal — Sa pagdiriwang ng “Sumbingkit Festival” (Suman, Bibingka at Latik) noong Nobyembre 30, 2024, inilahad ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Manong Chavit” Singson ang kanyang mga plano bilang kandidato sa pagka-senador. Kabilang dito ang tatlong pangunahing proyekto na layong magbigay tulong sa mga Pilipino, partikular sa sektor ng mga driver.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Singson na handa siyang maglaan ng pondo para sa libreng e-trikes, motorsiklo, at e-jeepneys para sa mga driver sa buong bansa. Ang mga sasakyang ito ay ibibigay nang walang downpayment o interes. Aniya, kahit wala siyang kitain mula sa proyektong ito, gagawin niya ito para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Inanunsyo rin ni Singson ang paglulunsad ng VBank o Bangko ng Masa debit/credit card sa darating na Disyembre 10, 2024. Ang aplikasyon para sa VBank ay libre para sa mga senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs). Ang kailangan lamang ay i-download ang VBank app, punan ang form, at isumite online.
Bukod dito, inilunsad ni Singson ang “Chavit 500,” isang buwanang ayuda na nagkakahalaga ng PHP500 para sa lahat ng kwalipikadong Pilipino na may edad 18 pataas. Ayon kay Singson, ito ay ibibigay habang sila’y nabubuhay.
“Handa akong malugi basta panalo ang Pilipino,” wika ni Singson, na binigyang-diin din ang kanyang mga nagawang proyekto noon, kabilang ang pagsuporta sa Miss Universe pageant kung saan wala siyang kinita.
Ipinagmamalaki ni Singson ang kanyang karanasan bilang pinuno ng Governors League of the Philippines, Mayors League of the Philippines, at Councilors League of the Philippines, na pawang nasa ilalim ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP).
Bilang dating lider ng Governors League, naiwan umano niya ang halagang PHP100 milyon, at sa Councilors League naman ay PHP40 milyon. Sinabi ni Singson na ang kanyang adbokasiya laban sa korapsyon ay itinuro sa kanya ng kanyang ama, na mahalaga ang tiwala ng tao at kailangang ingatan ito.
Sa kanyang panunungkulan bilang gobernador, nagawa niyang gawing isa sa pinakamayaman at pinakatahimik na probinsya ang Ilocos Sur, mula sa pagiging isa sa sampung pinakamahirap.
Ang mga proyektong ito ay patunay ng dedikasyon ni Singson para sa kapakanan ng mga Pilipino. Sa kanyang pahayag, sinabi niyang ang bawat aksyon na ginagawa niya ay para sa mas maayos na kinabukasan ng bansa.