image

PASIG CITY — Inilunsad noong Miyerkules, Disyembre 4, sa Kapihan sa Metro East Media Forum ang adbokasiya ng One Bangsamoro Movement (1BANGSA) na naglalayong pag-isahin ang tinatayang 10 milyong Muslim na Pilipino. Ang forum ay inorganisa ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps at sinusuportahan ng Pinoy Ako advocacy group.

Si Maulana “Alan” A. Balangi, Pambansang Pangulo ng 1BANGSA, Inc., ay nanguna sa ginanap media soft launching. Ang 1BANGSA ay isang pederasyon ng mga Muslim na organisasyon mula sa loob at labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Simula pa noong 2008, aktibo si Balangi sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan, lalo na matapos mabigo ang pagpirma sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD). Dahil dito, nabuo ang 1BANGSA upang ipagpatuloy ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro. . Gayunpaman, naapektuhan ito ng Mamasapano incident noong 2015.

Sa tulong ng Republic Act No. 11054, naitatag ang BARMM na kasalukuyang nasa transition process. Layunin ng 1BANGSA na pagkaisahin ang 3 milyong botante mula sa BARMM at higit sasa labas ng rehiyon para sa isang solidong boto sa eleksyon 2025.

Binatikos ng 1BANGSA ang pag-alis ng Sulu sa BARMM, na ayon sa kanila, ay sisira sa makasaysayang kahalagahan ng rehiyon. Bagama’t kasama ang Sulu sa orihinal na BARMM, bumoto ang probinsya ng “No” sa plebisito, kaya idineklara ng Korte Suprema na hindi ito sakop ng BARMM. Ayon kay Balangi, ang kasaysayan ng pagkakaisa ng Bangsamoro ay nag-ugat sa Sulu, kaya mahalaga itong muling mapasama sa BARMM.

Inanunsyo ng 1BANGSA ang kanilang kampanya sa buong bansa, kabilang ang pagsasagawa ng regional summits. Sa paparating na National Summit, libu-libong Bangsamoro at 350 lider ng mga komunidad ng Muslim ang magtitipon upang pumili ng mga kandidatong susuportahan sa May 12, 2025 elections.

Ayon kay Balangi, layunin ng 1BANGSA na bumuo ng solidong suporta tulad ng “Solid North” sa Luzon at “One Cebu” sa Visayas. Sa loob ng halos dalawang dekada, hindi umano sila humingi ng tulong pinansyal mula sa kahit sinong politiko.

Noong nakaraang eleksyon, inendorso nila sina Senador Robin Padilla, Senador Loren Legarda, at Senate President Francis “Chiz” Escudero. Bagama’t sinuportahan ang mga ito, wala silang ginawang courtesy call matapos ang eleksyon.

Binigyang-diin ni Balangi ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagkakaroon ng mga lider na tunay na magtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran para sa Bangsamoro.

image