image

PASIG CITY – Sinabi ni Atty. Domingo Alidon, National President ng Department of Education-National Employees Union (DepEd-NEU), na ang rightsizing ng gobyerno ay dapat magresulta sa mas mabisa at de kalidad na serbisyo publiko.

Ito ang naging tugon ni Atty. Alidon sa panukala ng Department of Budget and Management (DBM) na gawing mas lean at efficient ang burukrasya sa pamamagitan ng rightsizing, partikular na sa mga ahensyang may magkakapatong na tungkulin.

Ayon sa DBM, tinatayang makakatipid ang gobyerno ng P8.7 bilyon sa implementasyon ng rightsizing. Ngunit sa pagdinig ng Senado nitong Martes (Enero 7), binanggit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na bago maramdaman ang pagtitipid na ito, kakailanganin munang gumastos ang gobyerno ng bilyon-bilyong piso para sa early retirement ng mga apektadong empleyado.

Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Alidon na ang nakaraang Reorganization Plan (RatPlan) ay nagresulta pa sa paglikha ng mga bagong opisina at posisyon. Dagdag pa niya, ang rightsizing na ito ay posibleng kundisyon na itinakda ng International Monetary Fund (IMF) upang makakuha ang Pilipinas ng bagong utang panlabas.

Batay sa datos ng Bureau of the Treasury noong Disyembre 2024, umabot na sa P16.04 trilyon ang kabuuang utang ng bansa.

Binigyang-diin ni Atty. Alidon na may 42,000 pampublikong paaralan sa buong bansa na nangangailangan ng 1 hanggang 2 guro para sa bawat silid-aralan. Idinagdag niya na hindi na kayang gampanan ng mga guro ang ilang “ancillary functions” dahil sa dami ng kanilang pangunahing tungkulin.

Iminungkahi ni Atty. Alidon ang paglikha ng mga bagong plantilla positions upang gumanap sa mga administratibo at ancillary functions na ito.

Samantala, binanggit din ni Atty. Alidon na kasalukuyang may 12 Undersecretaries at 11 Assistant Secretaries ang DepEd, samantalang ayon sa Republic Act 91155, dapat ay hanggang 4 na Undersecretaries at 4 na Assistant Secretaries lamang ang mayroon. Ganito rin ang isinasaad ng Administrative Code of the Philippines at Executive Order No. 366 o ang Rationalization Program.

Ayon kay Atty. Alidon, hindi na kailangang ideklara pa ng korte ang sobrang bilang ng mga opisyal na ito dahil ito ay isang “judicial notice” o kilalang katotohanan na.

Matatandaang noong 1996, ipinatupad ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Executive Order No. 366 para sa Rationalization Program sa burukrasya ng gobyerno.

image