image

PASIG CITY — Planong kwestyunin ng Teachers Dignity Coalition (TDC) sa Korte Suprema (SC) ang konstitusyonalidad ng P6.326-Trilyong National Budget para sa 2025.

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang P6.326-Trilyong General Appropriations Act ng 2025 noong Disyembre 30, 2024. Gayunpaman, ibinasura ng pangulo ang P194-Bilyong halaga na binawasan ng Bicameral Conference Committee mula sa budget ng ilang ahensya, kabilang ang Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD), PhilHealth, at State Universities and Colleges (SUCs).

Kabilang sa mga pagbawas ay ang budget ng DepEd na mula P1 bilyon ay naging P800 milyon, at ang P74-bilyong pondo ng PhilHealth na tuluyang tinanggal.

Ayon kay Benjo Basas, tagapagsalita ng TDC, nais nilang linawin ng Korte Suprema ang tunay na kahulugan ng “basic education” na dapat ay pangunahing prayoridad ng gobyerno, alinsunod sa Konstitusyon ng 1987.

Sinabi ni Basas na bagama’t palaging pinakamalaking bahagi ng National Expenditures Program (NEP) ang napupunta sa DepEd, tila mas binibigyang-diin ngayon ng administrasyon ang pagsasanay sa militar at pulisya.

Naniniwala si Basas na may posibilidad silang makakuha ng paborableng desisyon mula sa Korte Suprema, lalo’t may naunang desisyon na ukol sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) na nilinaw ang mga aspetong konstitusyonal at hindi konstitusyonal.

Mayroon ang TDC ng 60 araw mula Disyembre 30, 2024 para magsampa ng petisyon para sa certiorari sa Korte Suprema upang kwestyunin ang P6.326-Trilyong budget.