San Juan City – Ang ika-apat na impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte ay kasalukuyang umani na umano ng 103 lagda mula sa mga miyembro ng ika-19 na Kongreso. Dahil dito, maaaring isumite ang kaso nang diretso sa Senado ng Pilipinas, ayon sa patakaran ng Mababang Kapulungan.
Sa naganap na The Agenda Forum noong Enero 17 sa Club Filipino, sinabi ni Atty. Kristina Conti, eksperto sa batas internasyonal, na may posibilidad ng progreso sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Conti, ang ICC ay hindi nakikialam sa pulitika at nakatuon lamang sa mga kasong kriminal. Binanggit niya ang mga kaso laban sa Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at Russian President Vladimir Putin bilang halimbawa ng kakayahan ng ICC na maglabas ng warrant of arrest. Umaasa rin siyang magkakaroon ng kahalintulad na aksyon laban kay dating Pangulong Duterte.
Sinabi rin ni Conti na ang 103 lagda mula sa mga mambabatas ay nagpapakita ng pagnanais ng ilan na ituloy ang kaso laban kay VP Duterte.
Samantala, sinabi ni Rep. France Castro ng ACT Teachers Partylist na ang confidential funds issue ay maaaring magdulot ng mas malalim na imbestigasyon laban sa Pangalawang Pangulo. Ayon sa survey, 41% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa impeachment, habang 19% ang undecided.
Noong Enero 13, 2025, nagsagawa ang Iglesia Ni Cristo (INC) ng rally para sa kapayapaan sa bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na huwag nang ituloy ang impeachment laban kay VP Duterte.
Ayon kay Atty. Salvador Panelo, dating presidential legal counsel, ang rally ay patunay ng malawakang suporta ng INC sa kanilang adbokasiya. Binanggit niya ang 1.8 milyong miyembro ng INC bilang isang puwersang hindi dapat balewalain.
Subalit ayon kay Rep. Castro, ang rally ay hindi sumasalamin sa opinyon ng mayorya ng mga Pilipino. Idinagdag niya na maaaring naghihintay lamang ang “silent majority” ng tamang panahon upang ipahayag ang kanilang pagsuporta sa impeachment case.
Bagama’t hindi umusad ang naunang tatlong impeachment case laban kay VP Duterte, umaasa si Rep. Castro na itutuloy ito ng Kongreso, kahit pagkatapos ng May 12, 2025 Midterm Elections.
Samantala, iginiit ni Atty. Panelo na ang impeachment case ay maaaring magdulot ng hidwaan sa pagitan ng mga tao. Ayon sa kanya, ang rally ng INC ay hindi lamang suporta sa panawagan ni Pangulong Marcos kundi isang pahayag na “.”
Sa ngayon, nananatiling mainit ang usapin tungkol sa impeachment laban kay VP Duterte. Inaasahan ding magpapatuloy ang mga kilos-protesta at talakayan sa mga darating na linggo.