image

Ang Department of Science and Technology-Region 1 (DOST Region 1), sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Office-Ilocos Sur (PSTO-IS), ay nagkaloob ng ASFV Nanogold Biosensor Test Kits at mga laboratory equipment sa Candon City. Bahagi ito ng programang Smart and Sustainable Communities Program na layuning palakasin ang kakayahan ng lungsod sa maagang pag-detect at pagtugon sa African Swine Fever (ASF).

Ang ASFV Nanogold Biosensor Test Kit ay ang kauna-unahang diagnostic tool na dinisenyo ng mga Pilipino para sa ASF. Ito ay binuo ni Dr. Clarissa Yvonne J. Domingo at ng kanyang team mula sa Central Luzon State University (CLSU). Kayang matukoy ng kit ang ASF viral nucleic acids mula sa iba’t ibang sample tulad ng dugo, mga tisyu, surface swabs, tubig sa farm, at mga processed pork products.

May kakayahan ang kit na magbigay ng resulta sa loob ng 30 minuto gamit ang kombinasyon ng nucleic acid-based assay at nanotechnology na may gold nanoparticles. Bukod sa mabilis, ito rin ay abot-kaya at environment-friendly, na malaking tulong sa pagsugpo ng ASF at muling pagbuhay ng industriya ng baboy sa bansa.

Sa isang awarding ceremony na ginanap sa Candon City, personal na iniabot ni Engr. Jordan L. Abad, Provincial Director ng PSTO-Ilocos Sur, ang mga kits at kagamitan sa mga kinatawan ng lungsod na sina:

  • Dr. Clara Lay-yag, City Veterinarian
  • Atty. Dan Gacusana, LGU Representative
  • Mr. Leoncio Balbin, Jr., City Information Officer
  • Mr. Eric Gacutan, City Agriculturist

Kasabay nito, nagsagawa rin si Dr. Domingo ng training para sa tamang paggamit ng diagnostic tool upang matiyak ang epektibong monitoring at kontrol ng ASF sa lungsod.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng dedikasyon ng DOST sa agham, teknolohiya, at inobasyon upang tugunan ang mga hamon sa agrikultura, partikular na sa industriya ng baboy. Sa tulong ng mga advanced na kagamitan, magiging mas handa ang Candon City sa pamamahala ng livestock, pagpapalago ng ekonomiya, at pagpapanatili ng food security.

Ang proyektong ito ay patunay ng layunin ng DOST Region 1 na gawing smart at sustainable ang mga komunidad sa Ilocos Sur!

image

image

image