Inihayag ng mga nominado ng BTS Bayaning Tsuper Partylist na tatakbo sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025, na kanilang ipaglalaban ang “iconic road safety” sa sandaling mahalal sila sa
Sa muling paglulunsad ng “Balitaan sa Tinapayan #Halalan” na pinangunahan nina NPC Director Benedict Abaygar, Jr. at Radyo Pilipinas reporter Lorenz Tanjoco, sinabi ni Atty. Alex Abaton, unang nominado ng BTS Bayaning Tsuper Partylist, na ang grupo nilang “Boses ng Transport Sector” ang siyang naging pundasyon ng kanilang partylist.
Ayon kay Abaton, ang kanilang pangunahing adbokasiya ay ang kaligtasan ng mga gumagamit ng kalsada, mula sa pagsilang hanggang sa kamatayan. Batay sa datos noong 2023, halos 2,000 kabataan, karamihan ay mga tinedyer, ang naging biktima ng mga aksidente sa kalsada, kung saan 40 katao ang namamatay araw-araw dahil sa lumalalang kondisyon ng mga lansangan sa bansa.
“Ito ang pangunahing tututukan namin – ang maikli at pangmatagalang solusyon para sa ligtas na daan,” ani Abaton.
Bilang dating Regional Director ng LTO sa Region 9 at tagapagsalita ng ahensya, binigyang-diin ni Abaton ang pangangailangan ng batas para sa regulasyon ng single motorcycle taxi o “habal-habal,” lalo na sa mga bundok na lugar. Sa kabila ng dami ng ganitong uri ng transportasyon, lumalala pa rin ang trapiko. Binigyang halimbawa niya ang isang kamakailang aksidente sa Marilaque Highway kung saan isang rider ang namatay at isa pa ang nasugatan, kahit na wala itong lisensya.
“Panahon na para magkaroon ng batas na magpapabuti sa sistema ng ating transportasyon,” dagdag ni Abaton.
Ipinunto rin ni Jovit Moya, ikatlong nominado ng BTS Bayaning Tsuper Partylist, na walang sapat na badyet para sa road safety sa bansa. Bilang dating Kapitan ng Pulis, sinabi niyang dapat itong isama sa kurikulum ng mga paaralan upang maturuan ang mga bata ng tamang disiplina sa kalsada.
“Dapat magkaroon tayo ng isang maayos at sistematikong polisiya para sa modernisasyon ng transportasyon,” aniya.
Bukod dito, binigyang-diin ni Moya na dapat magkaroon ng pambansang minimum wage para sa mga pribadong manggagawa dahil hindi nagkakalayo ang gastusin sa probinsya at lungsod.
Naniniwala ang BTS Bayaning Tsuper Partylist na kailangang magkaroon ng mas epektibong batas para sa kaligtasan sa kalsada. Ipinunto nila na ang ibang bansa tulad ng Thailand at Vietnam ay may sariling ahensya para sa road safety, samantalang wala pa nito sa Pilipinas.
“Kung nais ninyo ng pagbabago at mas ligtas na kalsada, kailangan ninyo kaming iboto,” ani Moya.
Binigyang-diin din niya na ang sinumang mahahalal bilang nominado ng isang partylist ay nagiging Kongresista, kaya may kakayahan itong magpanukala ng batas na makakatulong sa buong lipunan.
Layunin ng BTS Bayaning Tsuper Partylist na gawing mas ligtas ang ating mga kalsada sa pamamagitan ng maayos na batas at sapat na pondo para sa road safety. Panahon na upang bigyan ng tamang regulasyon ang transportasyon sa bansa upang maiwasan ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga aksidente sa lansangan.( NI: BOY CRUZ )