image

Inamin ni Pasig City congressional candidate Atty. Ian Sia na nagkamali siya sa pagbitiw ng biro tungkol sa mga solo parent at humingi siya ng paumanhin. Nilinaw niyang wala siyang masamang intensyon at hindi siya nagtatanggol sa sarili.

Ayon kay Sia, sa matagal niyang paninilbihan sa Pasig, wala siyang kaso ng pambabastos o pananamantala sa kababaihan, solo parent man o dalaga. Ngayon lang umano siya tinawag na bastos at mayabang, kahit kilala siyang palabiro sa lungsod.

Giit niya, ginagamit lamang ng kampo ni Mayor Vico Sotto ang isyu upang ilihis ang atensyon mula sa mga totoong problemang hinaharap ng lungsod—mga problemang hindi umano kayang sagutin ng grupo ni Sotto.

Isa sa mga binanggit ni Sia ay ang kakulangan ng gamot sa mga health center. Aniya, sinasabi ni Sotto na sapat ang suplay, pero kabaligtaran daw ang nararanasan ng mga tao.
“Sa Pasig City General Hospital, may mga pasyente na nagdadala pa ng sariling upuan, electric fan, at unan. Hindi ito dapat nangyayari,” sabi ni Sia.

Dagdag pa niya, patapos na ang school year pero ngayon pa lang ipinapamigay ang mga libreng school supplies, bag, sapatos, at iba pa—na hindi na raw magagamit ng mga estudyante.

Sinabi niyang may ilang tao na sumali sa isyu kahit hindi naman direktang sangkot. Aniya, “Nakikondena sila pero hindi nila tinitingnan ang sarili nilang mga problema.”
Tinukoy niya ang isang viral sex video na diumano’y sangkot ang tatlong kaalyado ni Sotto bagama’t hindi ito kumpirmado, at isa pang insidente kung saan isang kaalyado ng alkalde ang inireklamo ng isang single mom dahil sa hindi pagtupad sa responsibilidad sa anak.

Ayon kay Sia, kung moralidad ang pag-uusapan, mas maraming dapat ipaliwanag ang kampo ni Sotto.
“ Aniya, hindi siya maglalakas-loob na humarap sa mga taga-Pasig kung may masama siyang intensyong itinatago. Ang biro ay biro lamang, at hindi dapat gawing isyu para ilihis ang atensyon sa tunay na problema ng lungsod,” pagtatapos niya.

Sa gitna ng kontrobersya, nananatiling mainit ang sagupaan sa politika ng Pasig, kung saan parehas na panig ay nag-aakusa ng pagpapabaya at pambabastos. Nanawagan ang mga grupo tulad ng GABRIELA ng higit na respeto at responsibilidad mula sa mga lider pampubliko.

image