QUEZON CITY – Tiniyak ng dating DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy na ligtas ang darating na May 12, 2025 na halalan basta’t maisusumite ang Technical Evaluation Committee (TEC) Report at International Certification.
Sa forum na “Seguridad ng Boto sa Halalan 2025,” sinabi ni Dy na ayon sa RA 9369, dapat maisumite ang TEC Report 30 araw bago ang eleksyon, maliban kung pahihintulutan ng Comelec.
Ang Miru, kumpanyang Koreano, ang gagamitin sa automated election system. Dapat aniyang tukuyin sa TEC Report ang kahinaan ng sistema. May verification feature ito gaya ng GCash, pero kahit ang GCash ay hindi 100% ligtas.
Binigyang-diin ni Dy ang panganib ng route access at ang posibilidad ng EMF attacks o pagharang sa sistema. Dapat rin daw magkaroon ng final testing 3–5 araw bago ang botohan.
Ang mga USB na naglalaman ng resulta ay mano-manong bibilangin. Magtatayo rin ang Comelec ng 81 technical hubs sa buong bansa.
Bagama’t sinasabi ng Comelec at Miru na magkakaroon ng sabayang transmission mula presinto hanggang central server, giit ni Dy, imposible ito sa kasalukuyang teknolohiya.
Pinunto rin niya na posibleng ma-hack ang USB kaya dapat ay may pananagutan ang mga humahawak nito.
Aniya, “Walang 100% tamper-proof na sistema.” Kaya mahalagang ilabas ang TEC Report at certification bago ang halalan para sa tiwala ng publiko.
Ipinaalala rin ni Dy na bawal gamitin ang Emergency Alert System tuwing eleksyon. Sa kanyang panahon sa DICT, nakatulong sila sa pagsugpo ng cybersex dens at cybercrime.