image

QUEZON CITY — Nanawagan si Atty. Ferdinand Topacio nitong Martes (Abril 22) sa Securities and Exchange Commission (SEC) na paigtingin ang kanilang tungkulin sa pagbabantay at pagpapatupad ng batas laban sa mga scam gaya ng Ponzi scheme.

Sa ginanap na press conference sa Kamuning Bakery Café, iginiit ni Atty. Topacio na kailangang kumilos ang SEC laban sa mga panlilinlang na kinasasangkutan ng malalaking halaga ng pera.

“Kapag may scam, lalo na kung malaki ang halagang sangkot, dapat ay iniimbestigahan ito agad ng SEC. Ayusin natin ito,” ani Topacio.
“Kung hindi sila kikilos, gagampanan ko ang tungkulin ko bilang abogado at bilang mamamayan,” dagdag niya.

Nilinaw niyang wala pa siyang sinasabing may kasalanan, pero batay umano sa mga dokumento at video, may dapat na imbestigahan.

Nagsalita na rin sa wakas ang mga biktima ng umano’y “Procap International Ponzi scheme.” Ibinunyag nila ang operasyon nito bilang isang “Ponzi-pyramid hybrid scam” na umano’y ginamit pa ang pangalan ni Senador Raffy Tulfo upang makahikayat ng mas maraming biktima.

Mariing kinondena ni Atty. Topacio ang umano’y “nakagugulat na kapabayaan” ng SEC at nanawagan siya ng imbestigasyon mula sa Kongreso upang mas mapalakas ang mga batas laban sa scam.

Ibinahagi ng mga biktima ang kanilang masakit na karanasan — mula sa nawalang ipon, emosyonal na paghihirap, hanggang sa kanilang panawagan para sa hustisya.

“Hindi lang ito perang ninakaw—ito’y mga buhay na winasak. Habang tulog ang SEC, lumaganap ang mga manloloko. Ilalantad namin ang iskandalong ito at hahanapan ng pananagutan ang dapat managot,” giit ni Topacio. (Photo by: Boy Cruz)

image

image

image