QUEZON CITY — Ipinakita ng Center for Women’s Resources (CWR) ngayong Miyerkules (Abril 23) ang resulta ng kanilang survey tungkol sa partisipasyon ng kababaihan sa pulitika, bilang paghahanda sa halalan sa Mayo 12, 2025.
Inilunsad ang “Women’s Political Participation Survey” sa Kamuning Bakery Cafe sa ilalim ng taunang programa ng CWR na “Kuro Pulso ng Kababaihan.”
Ayon kay Bren Yasay ng CWR, mataas ang partisipasyon ng kababaihan sa pagboto mula pa noong 1937. Ngunit lumabas sa survey na maraming kababaihan ang nawawalan ng tiwala sa sistema ng halalan.
Sa mahigit 500 respondent mula sa iba’t ibang rehiyon, 74.5% ang nagsabing kulang sa P15,000 ang kita ng kanilang pamilya kada buwan.
Ayon sa Comelec, sa 2022 elections, mas marami ang kababaihang rehistradong botante kaysa sa kalalakihan. Gayunpaman, sa 13,586 posisyon sa gobyerno, 30.47% lang ang nakuha ng kababaihan, at karamihan ay pansamantalang humalili lang sa lalaking kaanak.
Tinutukan ng survey ang mga isyung mahalaga sa kababaihan:
-
Mataas na presyo ng bilihin (23.23%)
-
Trabaho (20.48%)
-
Taas ng sahod (17.64%)
-
Edukasyon (15.5%)
-
Kalusugan (13.76%)
Dagdag pa rito, 54.4% ng mga sumagot ang nagsabing “magulo” ang halalan at naniniwalang ginagamit ang pondo ng bayan sa pamimili ng boto. Korapsyon ang ikatlong pinakamalaking isyu (9.3%).
Babala ng CWR na hindi dapat gamitin ang kababaihan bilang “entertainment” tuwing kampanya. Ayon kay Angela Panagsagan, may mga babaeng napipilitang bomoto dahil sa takot na matanggal sa listahan ng botante.
Giit ni Cham Perez ng CWR at BaBaE Network, limitado pa rin ang opsyon ng kababaihan sa pulitika dahil sa political dynasties at kahirapan. Nanawagan siya ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas para sa gender equality at women’s rights education.
Nilinaw ng CWR na hindi ito sumusuporta sa anumang kandidato o partido. Layunin lamang ng grupo na itaguyod ang karapatan, dignidad, at tunay na partisipasyon ng kababaihan sa halalan. (Photo by Boy Cruz)