image

Pasig City – Nangako si Sarah Discaya, kandidato sa pagka-alkalde ng Pasig, na magtatayo ng makabago at zero-billing na ospital sakaling siya’y manalo sa halalan. “Walang presyo ang buhay. Ang pag-aalaga ay dapat libre. Walang kapalit ang tunay na malasakit,” ani Discaya, isang ina ng apat at asawa ni Curlee Discaya.

Ayon sa kanya, ang ospital ay magbibigay ng libreng gamutan, lalo na sa mga mahihirap at maysakit na aniya’y matagal nang napapabayaan ng sistema.“Pantay ang pagmamahal ko sa bawat Pasigueño — lalo na sa mga hindi napapansin at sa araw-araw na lumalaban para mabuhay.”

Inilarawan niya ang ospital bilang isang lugar na hindi resibo kundi malasakit ang sumasalubong sa pasyente. “Sa ospital natin, hindi ka sisingilin. Bagkus, sasalubungin ka ng ngiti at tunay na pag-aaruga. Sa Pasig na may puso, ang serbisyo publiko ay hindi negosyo — ito’y pangako ng suporta at pagmamahal.”

Dagdag pa niya:

Walang pasyenteng mapapabayaan. Walang reklamo ang isasawalang-bahala. Bawat hinaing ay maririnig. “Sa bawat iyak ng batang may lagnat, sa bawat pakiusap ng sugatan, at sa bawat panalangin ng may sakit — may mga doktor at nars na hindi lang gagamot kundi may pagmagmamahal din.”

“Sa mga mahihirap, ito ang pinakamahalaga kong pangako: kahit wala kang pera, hindi ka mawawalan ng pag-asa o buhay. May gobyernong yayakap at mag-aalaga sa’yo — hindi dahil obligado, kundi dahil karapat-dapat ka.”

Sa pagtatapos, sinabi niya: “Ito ang pangarap ni Ate Sarah — ang Pasig na may ospital ng pag-asa, pagmamahal, at pangalawang pagkakataon. Dahil ang tunay na lider ay hindi lang namumuno — siya’y nagmamalasakit, sumusuporta, at nagmamahal.”

Nangako rin si Discaya na ilalagay sa ilalim ng lupa ang mga linya ng kuryente upang mawala ang gusot-gusot na “spaghetti wires.”

Ibinahagi niya ito sa isang pagtitipon sa Barangay Bagong Katipunan, na posibleng maging pilot area ng proyekto. “Tanggalin na natin ang mga sabog na wiring at ilipat ito sa ilalim. Mas ligtas at mas maganda sa paningin.”

Bilang isang 48-anyos na negosyante at may-ari ng isang quadruple-A construction firm, kumpiyansa siyang maisasakatuparan ang proyekto. “Marami na kaming ganitong proyekto. Hindi ako nangangako ng bagay na hindi ko kayang tuparin.”