QUEZON CITY — Ibinahagi ni Dr. Arnold Vegafria, isang kilalang pilantropo at kandidato sa pagka-alkalde ng Olongapo City, ang kanyang mga plano upang gawing progresibo at pangunahing destinasyong panturismo ang lungsod.
Sa Pandesal Forum na ginanap sa Kamuning Bakery Café nitong Lunes, sinabi ni Dr. Vegafria, “Hangad ko na maibalik ang kasikatan ng Olongapo City tulad ng dati kong alaala.”
Masaya si Dr. Vegafria sa pagsasanib ng entertainment at news media sa forum, at sa kanyang bagong paglalakbay sa larangan ng pampublikong serbisyo. Nag-aral siya sa New York para sa Executive Program at kasalukuyang kumukuha ng kurso sa Public Administration.
“Dati akong nasa advertising at talent management. Siguro ito’y tawag ng tadhana. Nawala ang ningning ng Olongapo, pero kaya ko itong ibalik,” aniya.
Ipinahayag niya ang kumpiyansa sa pagbuhay muli ng lungsod. “Kung naging matagumpay tayo sa negosyo, kaya rin nating lumikha ng economic zone sa Olongapo,” dagdag pa niya.
Inalala rin ni Dr. Vegafria ang kanyang hindi matagumpay na pagtakbo noong 2022 dahil sa tatlong araw lamang siya nakapangampanya. Ngayon, aniya, mas handa na siya.
Nagpakita rin siya ng tiwala sa kakayahan ng mga dating showbiz personalities na nagsilbi sa gobyerno gaya nina Gov. Daniel Fernando at Rep. Lucy Torres, na pinatunayan umanong hindi hadlang ang galing sa showbiz sa mahusay na pamumuno.
Tinukoy din niya ang malaking problema sa utang ng Olongapo sa kuryente, at naniniwala siya na may magagawa siya upang maresolba ito.
“Ang likas na yaman ng Olongapo ay biyaya ng Diyos. Kailangang gamitin at paunlarin lamang ito,” pagtatapos ni Dr. Vegafria.
Si Dr. Arnold “ALV” Vegafria ay tumatakbo bilang alkalde ng Olongapo City dahil nais niyang ibalik ang sigla ng siyudad. Nais din niyang magbigay ng trabaho sa mga senior citizens na kaya pang magtrabaho, PWDs, at bagong graduates, at itayo ang isang bagong “entertainment city” na hindi na “sin city.”
Kilala bilang “Manager ng Bayan,” layunin ni Dr. Vegafria na pasiglahin muli ang ekonomiya sa pamamagitan ng pag-ayos ng imprastraktura at pag-akit ng mga turista at mamumuhunan.
Kasama niya sa laban ang kanyang vice mayor candidate na si Prosecutor Prudencio Jalandoni at mga konsehal na kinabibilangan nina Ian Vegafria Bautista, Macky Alonzo, Erick Elmo Ison, at iba pa.
Bilang isang kilalang talent manager at entrepreneur, buo ang tiwala ni Dr. Vegafria na kayang maibalik ang dating ganda at pag-unlad ng Olongapo.(Photo by: Jimmy Camba)