image

PASIG CITY — Nangako si Sarah Discaya na bubuksan niya ang City Mayor’s Office para sa lahat ng Pasigueño sakaling siya’y mahalal bilang alkalde ng Pasig sa halalan ngayong Mayo 12.

Ayon kay Discaya, siya ay magiging bukas, madaling lapitan, at tapat na maglilingkod para sa ikauunlad ng lungsod. Magpupokus siya sa mga pangunahing pangangailangan ng tao gaya ng kalusugan, edukasyon, at serbisyong panlipunan.

“Palagi kayong welcome sa city hall kung saka-sakaling ako’y mahalal,” sabi niya sa kanyang talumpati. Tiniyak niya na hindi mahihirapang lumapit sa kanya ang sinumang taga-Pasig.

Sa isang caucus sa Barangay Bambang noong Linggo, Mayo 4, sinabi rin ni Discaya na layunin niyang gawing 100% na mga taga-Pasig ang empleyado ng City Hall, mula sa kasalukuyang 99%.

Sinabi rin niya na kaya ring ipatupad sa Pasig ang “zero billing” sa mga ospital, gaya ng ginagawa ni Gov. Reynaldo Tamayo sa South Cotabato, basta’t magtagumpay ang buong Team Kaya This.

Bago pa magsimula ang klase, ipapamahagi na agad ang mga sapatos, uniporme, at gamit ng mga estudyante. Balak din nilang buhayin muli ang pananahing kabuhayan para sa kababaihan, upang sila na ang mismong gagawa ng uniporme ng mga estudyante.

Isa rin sa mga plano ng kanyang grupo ay ang pagdodoble ng pamaskong handog para sa mga PWD at senior citizens — mula P1,500 at P3,000 ay magiging P3,000 at P5,000 na simula ngayong Disyembre.

Iba pang plataporma ni Discaya:

  • Libreng gamot at regular na check-up sa mga health centers para sa lahat, lalo na sa mga senior citizens at bata.

  • Scholarship at school allowance para sa mga estudyanteng nangangailangan.

  • Pag-aayos ng trapiko at lansangan, lalo na sa matataong lugar sa lungsod.

  • Suporta sa maliliit na negosyo at vendor upang sila’y makabangon at lumago.

  • Mas ligtas na Pasig — dagdag na ilaw sa kalsada, CCTV, at mas aktibong barangay tanod.

  • Pagpapabilis sa serbisyo ng city hall gamit ang digital at online systems para hindi na kailangang pumila ng matagal.

Hinimok ni Discaya ang mga taga-Pasig na magkaisa at suportahan ang Team Kaya This para sa mas maayos, mas makatao, at mas makabagong pamumuno sa lungsod.