image

Inilahad ni Curlee Discaya, asawa ni mayoralty candidate Sarah “Ate Sarah” Discaya, ang plano ng kanilang administrasyon kung mananalo si Ate Sarah sa halalan sa Mayo 12. Ayon kay Curlee, maglalaan sila ng ₱8.7 bilyon para sa iba’t ibang makabuluhang proyekto sa Pasig na tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.

Hindi umano nakasentro sa isang gusali lang ang nasabing pondo. Sa halip, ito ay hahatiin sa mga proyektong may malinaw na benepisyo para sa mga Pasigueño.

Isa sa pangunahing proyekto ay ang bagong city hall na may parehong disenyo ngunit mas abot-kayang halaga. Tinaya ang gastos sa ₱2.7 bilyon, kung saan aabot lamang sa ₱70,000 kada metro kuwadrado kumpara sa kasalukuyang plano na umaabot sa ₱210,000 kada metro kuwadrado—kasing-mahal na raw ng Burj Khalifa sa Dubai.

Kasama rin sa plano ang pagtatayo ng isang 11-palapag na pampublikong ospital na nagkakahalaga ng ₱500 milyon, na maglilingkod sa mga pamilyang walang kakayahang magpagamot sa pribadong ospital. Para naman sa pabahay, itatayo ang limang 11-palapag na gusali para sa mga informal settlers sa halagang ₱2 bilyon. Tiniyak ni Curlee na ito ay totoong proyekto at hindi pangakong drawing.

Sa larangan ng edukasyon, nakalaan ang para sa isang university building, limang high school buildings, at limang elementary school buildings. Lahat ng ito ay para maibsan ang siksikan sa mga paaralan at bigyang pag-asa ang kabataang kapos sa yaman.

Para sa mas maayos na daloy ng trapiko at koneksyon sa lungsod, ipapatayo ang dalawang bagong tulay at 10 bagong kalsada sa Brgy. Pinagbuhatan, kasama ang 10 flood control projects, na may kabuuang halaga na ₱500 milyon. Magtatayo rin ng 30 multi-level multi-purpose halls at covered courts na nagkakahalaga ng ₱1.5 bilyon para sa mga barangay.

Tiniyak ni Curlee na ang lahat ng proyekto ay sabay-sabay na sisimulan at matatapos sa loob ng tatlong taon (2025–2028). Nilinaw rin niya na hindi sila sasali sa bidding ng mga proyekto bilang pagsunod sa RA 9184, na nagbabawal sa mga kamag-anak ng halal na opisyal na pumasok sa kontrata sa gobyerno.

Sa kabilang banda, binatikos ni Curlee ang kasalukuyang administrasyon sa paggugol ng ₱9.6 bilyon sa iisang proyekto lamang—ang bagong city hall. Aniya, walang kasamang ospital, pabahay, paaralan, o proyektong pangkomunidad sa ilalim ng planong ito. Posible pa raw itong lumobo sa ₱31 bilyon.

Ang tanong ngayon, ayon kay Curlee: Saan mo gustong mapunta ang pera ng bayan? Sa isang gusali lang ba? O sa maraming proyektong mararamdaman ng bawat Pasigueño?