image

PASIG CITY — Inilunsad ng Metro Manila Development Authority (MMDA), katuwang ang Philippine National Police (PNP), ang “May Huli Ka” web application nitong Lunes, Hunyo 16, 2025 sa punong tanggapan ng MMDA.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, layunin ng app na ito na bigyang-daan ang mga motorista na malaman kung sila ay may naitalang traffic violation sa pamamagitan ng CCTV, sa ilalim ng ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP).

Paliwanag ni Artes, ginawa ang website bilang tugon sa panawagan ng publiko na gawing mas malinaw at tapat ang pagpapatupad ng batas trapiko sa Metro Manila.

Maa-access ang website sa mayhulika.mmda.gov.ph kung saan puwedeng i-check ng mga motorista kung may violation sila at kung ano ang susunod na hakbang.

Ayon kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, makakatulong ang web app para maiwasan ang bangayan sa pagitan ng motorista at traffic enforcer at mas mapabilis ang proseso.

“Mas mabibigyang-lakas nito ang mga motorista na ipagtanggol ang kanilang karapatan at mapalakas din ang tiwala sa pagitan ng motorista at enforcers,” dagdag ni Torre.

Apat na Hakbang para Mag-check ng Violation:

Ilagay ang impormasyon ng sasakyan — I-type ang plate number o conduction sticker at MV file number sa search bar.

I-verify ang violation — Mag-request ng kopya gamit ang email, o ipadeliver ito sa pamamagitan ng PhilPost.

Magbayad ng multa — Puwedeng magbayad sa MMDA head office, MMDA satellite office sa Robinsons Galleria, o sa digital payment apps gaya ng Maya, Bayad, iCash, at Landbank LinkBizPortal.

Mag-apela kung hindi sang-ayon — Puwedeng magsumite ng contest o apela sa loob ng 10 araw sa MMDA Traffic Adjudication Division (TAD).

Layunin ng “May Huli Ka” app na gawing mas mabilis, malinaw, at patas ang proseso sa pagtukoy at pagresolba ng mga paglabag sa trapiko sa Metro Manila.

image