QUEZON CITY — Sa unang araw ng 20th Congress, agad naghain ng sampung panukala ang Kamanggagawa Partylist na pinangungunahan ng labor leader at unang beses na kongresista na si Rep. Eli San Fernando. Layunin ng mga ito ang itaguyod ang katarungan sa sahod, karapatang-paggawa, at disenteng trabaho para sa lahat ng manggagawang Pilipino.
Ayon kay Rep. Eli, “Hindi lang ito mga papel. Ito ang bunga ng matagal nang pakikibaka ng mga manggagawa para mapakinggan at maprotektahan. Mula kalsada, ngayon ay dinadala na natin ang laban sa loob ng Kongreso.”
Pangunahing panukala ng Kamanggagawa ang National Minimum Wage Act na naglalayong buwagin ang kasalukuyang provincial wage system at magtakda ng iisang minimum wage para sa buong bansa.
Sabi ni Rep. Eli, “Hindi dapat mas maliit ang sahod ng isang manggagawa dahil lang sa probinsya siya nakatira. Panahon na para sa tunay na wage justice.”
Sakop ng panukalang batas ang:
-
Pag-phase out ng regional wage boards sa loob ng limang taon
-
Pagpalakas sa National Wages and Productivity Commission upang ito ang magtakda ng pambansang sahod
Iba pang Mahahalagang Panukala ng Kamanggagawa:
-
Expanded Sick and Vacation Leave Act – Lahat ng manggagawa, regular man o hindi, ay dapat may 10 bayad na sick leave at 10 bayad na vacation leave kada taon.
-
Pagwawakas sa Labor-Only Contracting – Tinatanggal ang mga probisyon ng Labor Code na ginagamit sa “endo” at iba pang kontraktuwal na gawain.
-
Pagbasura ng Assumption of Jurisdiction (AJ) – Tinatanggal ang kapangyarihan ng DOLE Secretary na pigilan ang welga ng mga unyon.
-
Micro and Small Enterprise (MSE) Subsidy Program – Magbibigay ng ayuda sa maliliit na negosyo para mapanatili ang trabaho ng kanilang manggagawa.
-
Resignation Pay Act – Magbibigay ng patas na bayad sa mga empleyadong boluntaryong magre-resign sa makatuwirang dahilan.
-
Karapatang Magwelga ng Government Workers – Binubura ang pagbabawal sa welga ng mga manggagawa sa gobyerno.
-
Magna Carta for Barangay Health Workers – Nagbibigay ng sahod, benepisyo, seguridad sa trabaho, at legal na proteksyon para sa mga BHWs.
-
– House resolution na humihiling ng pagsisiyasat sa .
-
– House resolution na humihiling ng imbestigasyon sa pagtanggal at hindi pag-regular sa mga riders at delivery workers, taliwas sa desisyon ng Korte Suprema.
Dagdag ni Rep. Eli, marami pang panukalang batas ang isinusulong ng Kamanggagawa para sa iba’t ibang sektor tulad ng mga seafarer, nurse sa pribadong ospital, magsasaka, mangingisda, construction workers, at security guards.
“Simula pa lang ito. Sa 20th Congress, sisiguraduhin naming maririnig at mapaglalabanan ang mga karapatan ng bawat manggagawa—sa ospital, sa barangay, sa palengke, sa pabrika, sa probinsya,” pahayag ni Rep. Eli.