Daan-daang deboto ang dumalo sa ika-19 na anibersaryo ng debosyon sa Our Lady of Caysasay–Marikina Chapter noong Hulyo 5, na ginanap sa St. Joseph Shrine sa ilalim ng Diyosesis ng Cubao.
Pinamunuan ang banal na misa nina Obispo Emeritus Teodoro Bacani Jr. ng Novaliches at Obispo Emeritus Deogracias Iñiguez ng Kalookan, kasama ang buong kaparian ng Cubao.
Nakiisa sa pagdiriwang ang mga samahan ng simbahan ng St. Joseph Shrine, gayundin ang mga deboto mula sa Marikina, Pasig, San Juan, at iba pang kalapit na lungsod.
Sa kanyang homiliya, ibinahagi ni Obispo Bacani ang kasaysayan ng Mahal na Birhen ng Caysasay, isang debosyong nagsimula noong 1603 sa Taal, Batangas. Aniya, ang munting imahen ng Birheng Maria na natagpuan ng mangingisdang si Juan Maningcad sa Ilog Pansipit ay pinaniniwalaang milagroso at patuloy na dinarayo ng mga deboto.
Sa pagtatapos ng misa, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si G. Vic Raguero, tagapangasiwa ng Our Lady of Caysasay–Marikina Chapter, kina Obispo Bacani at Obispo Iñiguez, gayundin sa lahat ng pari, sponsor, parishioner, at samahang simbahan na nakiisa sa pagdiriwang.
Kaniyang binigyang-pagkilala ang Rivera Family, sa pangunguna ni Gng. Nancy Rivera, bilang pangunahing sponsor ng pagdiriwang at mahalagang katuwang sa tagumpay ng nasabing gawain.
Ang kapistahan ng Our Lady of Caysasay ay taunang ipinagdiriwang tuwing ika-8 ng Disyembre, kasabay ng paggunita sa Kapistahan ng Immaculate Conception. Sa bayan ng Taal, ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng prusisyon, banal na misa, at iba’t ibang tradisyunal na aktibidad.