SAN JUAN CITY — Kasabay ng pagdiriwang ng ika-94 na anibersaryo ng Ortigas Land, pormal nang binuksan noong Huwebes, Hulyo 10, ang Ika-8 Ortigas Art Festival sa GH Mall sa Greenhills. Ang festival ay may temang “Art for All: A Celebration of Borderless Artistic Expression” at tatagal mula Hulyo 10 hanggang 24, 2025.
Sa kauna-unahang pagkakataon, ginaganap ang festival sa GH Mall, kung saan ginawang bukas at buhay na gallery ang iba’t ibang bahagi ng mall—kabilang ang East Wing Atrium, South Wing Atrium, 4F Tech Hub, at Promenade Cinema. Layon nitong ilapit ang sining sa mas nakararami, at sirain ang hangganan sa pagitan ng artist, manonood, at pang-araw-araw na buhay.
Sa kanyang pambungad na mensahe, binati ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang Ortigas Land sa kanilang anibersaryo. Ipinaabot niya ang buong suporta sa art festival na dinaluhan ng mga kilalang alagad ng sining at art galleries. Naibahagi rin niya ang kanyang personal na koneksyon sa Greenhills kung saan siya lumaki.
Nagpasalamat din siya sa presensya nina Pasig City Councilor Angelu De Leon-Rivera, Angono Councilor Jo Anne Saguinsin, Marites Ortigas ng pamilyang Ortigas, at mga opisyal ng Ortigas Malls. Ipinagmalaki ni Zamora ang pagiging drug-cleared at may pinakamababang crime rate ang San Juan sa buong Metro Manila.
Samantala, binigyang-diin ni Architect Renee Bacani, Vice President at Head ng Ortigas Malls, na ang tagumpay ng festival sa mga nakaraang taon at ang mga parangal nito mula sa Asia-Pacific Stevie Awards at International Business Awards ay patunay ng pangmatagalang pangako ng Ortigas sa sining, inobasyon, at malasakit sa komunidad.
Pinangunahan nina Mayor Zamora, De Leon-Rivera, Saguinsin, Marites Ortigas, artist-curator Renato Habulan, at sining tagapagtaguyod Helen Mirasol ang ribbon-cutting ceremony bilang pormal na hudyat ng pagbubukas ng festival.
Ayon kay Renato Habulan, artist at consultant ng festival,:“Layunin naming mapalapit ang sining sa tao, at ang tao sa sining. Naniniwala kami na sa pagbibigay ng libreng access sa sining, tinutulungan naming lumago ang mga artista at mas pinapatibay ang koneksyon ng komunidad.”
Tampok sa festival ang mga likha ng mga artistang may malalim na koneksyon sa kani-kanilang komunidad. Kabilang sa mga kalahok sina: Totong Francisco, apo ni National Artist Carlos “Botong” Francisco; Raul “Ponj” Roco Jr., anak ng yumaong Senador Raul Roco; Fashion designer Chynna Mamawal; Mga photographer mula sa Born in Film at Redlab; “Shine Vitto, at iba pang umuosbong na artista mula sa iba’t ibang rehiyon.”
Makikita sa East Wing Atrium ang mga gawa ng Angono Artists Collective, Linangan Art Residency, Ortigas Foundation, Shine Vitto Galerie (Mindoro), San Juan Artists, at Pasig Art Club.
Sa South Wing Atrium, tampok naman ang mga likhang sining mula sa Art Circle, Art Point, Jean & Jaz Gallerie, Nami Art, at Born in Film.
Para sa mga nais gumawa ng sariling likhang-sining, bukas ang 4F Tech Hub para sa mga workshop, art talks, at pop-ups. Kabilang dito ang, Watercolor Pop-Up Art Fair ng Philippine Guild of Watercolorists (PGW); Art Talk kasama si Manny Garibay ng Linangan; Workshops ng Pasig Art Club at Born in Film. Lahat ng ito ay libre, ngunit kinakailangang magparehistro muna para makasali.
Bahagi rin ng selebrasyon ang pagsanib ng sining sa ibang larangan. Sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), magkakaroon ng libreng pelikula sa Promenade Cinema (7PM, cinema 4): Babae at Baril – Hulyo 11, John Denver Trending – Hulyo 12; Thy Womb – Hulyo 18.
Ipakikita rin ni Chynna Mamawal ang kanyang mga couture pieces sa larangan ng fashion. Samantalang magtatanghal ng sayaw ang The Learning Tree, Halili School of Dance, at ang kilalang hiphop group na UPeepz.
Ang Ortigas Art Festival 2025 ay bukas araw-araw tuwing mall hours hanggang Hulyo 24. Libre ang lahat ng exhibit, pelikula, at aktibidad.
Kung ikaw man ay artist, art enthusiast, estudyante, o simpleng mallgoer, inaanyayahan kang sumama sa selebrasyon ng malayang malikhaing pagpapahayag.
Dahil ang sining ay hindi lang para sa ilan—ito ay para sa lahat.
Para sa karagdagang impormasyon, i-follow ang GH Mall sa Facebook at Instagram.
#OrtigasArtFestival2025 #OAF2025 #ArtForAll