image

LUNGSOD NG QUEZON — Pormal nang inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang Online Driver’s License Renewal System (ODLRS) ng Land Transportation Office (LTO) noong Huwebes, Hulyo 10, sa Bulwagang Romeo F. Edu sa LTO Central Office.

Ayon kay DOTr Secretary Vince B. Dizon, ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas mabilis, magaan, at accessible ang proseso ng pag-renew ng driver’s license. “Ang utos ng Pangulo ay gawing online ang license renewal para hindi na mahirapan ang publiko,” ani Dizon sa isang press conference.

Mga Tampok sa Bagong Sistema:

. Online Application – Magsisimula ang aplikasyon sa eGov app, kung saan idadaan ang user sa National Government Agency (NGA), LTO, at ODLRS.

. Telemedicine – Gagawin na rin online ang medical exam, at ang medical certificate ay direktang ipapadala ng doktor sa sistema.

. Online Payment – Maaaring magbayad sa pamamagitan ng GCash, Maya, BDO, o bank transfer.

. E-License – Ang electronic driver’s license ay makikita sa eGov app at may bisa katulad ng pisikal na lisensya. Maaari rin itong ipaprint sa LTO District Office sa parehong araw.

. Delivery Option – Maaaring ipa-deliver ang lisensya sa pamamagitan ng courier tulad ng Air21 o LBC, na may karampatang bayad.

Ayon kay Dizon, sinigurado nilang nasuri at nasubukan nang maigi ang sistema bago ito ipinatupad. Maaari ring i-report ang anumang aberya gamit ang eGov app.

Inanunsyo rin ng kalihim na magiging mas mahigpit ang practical driving exam, lalo na para sa mga nagmamaneho ng malalaking sasakyan gaya ng truck at bus.

Dagdag pa rito, inaasahang maisasama rin sa sistema ang pagbabayad ng traffic violations, katuwang ang MMDA at ang No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Nagbabala rin si Dizon laban sa mga fixer: “Maghanap na kayo ng ibang trabaho.”

Samantala, sinabi ni DICT Secretary Henry Aguda na lingguhan silang maglulunsad ng bagong serbisyo sa eGov app. Ayon naman kay DICT Undersecretary for E-Government David L. Almirol Jr., may 75 ahensya na ng pamahalaan ang bahagi ng app. “Ang eGov app ang magiging one-stop shop para sa mga transaksyon sa gobyerno. Ang utos ng Pangulo ay gawing madali ang serbisyo para sa publiko,” ani Almirol.

Ipinahayag naman ni DOTr Executive Director Atty. Greg G. Pua na gumagamit na ng AI ang ODLRS at naka-integrate ito sa National ID system upang matiyak ang seguridad at integridad ng impormasyon.

Sa pamamagitan ng ODLRS at eGov app, hindi na kailangang pumila ng matagal sa LTO. Sa ilang click lamang, tapos na ang buong proseso—mula medical exam, pagbabayad, hanggang sa pagkuha ng lisensya.

imageimage