MARIKINA CITY – Isang libreng anim-na-buwang pagsasanay sa wikang Hapon ang inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina nitong Lunes, katuwang ang Sakai City ng Japan at ang Onodera User Run, upang matulungan ang mga estudyante at bagong graduates na makapagtrabaho sa Japan.
Ang programa ay isinagawa sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Sakai City sa Japan, katuwang ang Onodera User Run, isang Japanese organization na nagbibigay ng training at job placement assistance para sa mga nais magtrabaho sa Japan.
Ayon kay Marikina City Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, bukas na ang learning facility ng Onodera User Run sa Marikina, at hinihikayat niya ang mga bagong graduates at kabataan na samantalahin ang libreng pagsasanay.
Ang klase ay personal o face-to-face at nakatuon sa mga larangang may mataas na demand sa Japan gaya ng caregiving, hotel accommodation, at food service. Layon ng programa na hindi lang matugunan ang basic language requirement, kundi maihanda rin ang mga kalahok sa pagtatrabaho at pamumuhay sa ibang bansa.
“Ang pinakamahalaga dito, sinisigurado natin na ligtas ang recruitment process. Kaya’t nakipag-partner tayo sa isang kagalang-galang na organisasyong nagbibigay ng suporta mula training hanggang job placement, pati na rin ang daily life assistance sa Japan,” dagdag pa ni Teodoro.
Naniniwala rin siya na makatutulong ang programang ito upang dumami ang mga Marikeñong may sapat na kasanayan at handang-handa sa mga oportunidad sa abroad. Maaari rin umano itong magsilbing modelo para sa ibang lungsod at munisipyo sa buong bansa.
Nagpasalamat din si Mayor Teodoro sa pamahalaan ng Sakai, ang sister city ng Marikina sa Japan, na naging susi sa pagpapatupad ng proyekto.