SAN JUAN CITY — Sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas mabilis, mas madali, at mas malapit sa mamamayan ang mga serbisyo ng pamahalaan, opisyal nang inilunsad noong Biyernes, Hulyo 18, ang Bagong Pilipinas eGovPH Serbisyo Hub (BPESH) sa San Juan National Government Center.
Pinangunahan mismo ng Pangulo ang pagbubukas ng BPESH, katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pamumuno ni Secretary Ivan John Uy, ang lokal na pamahalaan ng San Juan sa pamumuno ni Mayor Francisco Javier Zamora, at iba pang kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ang BPESH ay isang one-stop shop na layong pag-isahin sa iisang lokasyon ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan upang mas maging abot-kamay ng publiko. Kabilang sa mga serbisyong handog sa hub ang:
- Medical financial assistance sa pamamagitan ng guarantee letters para sa gastusin sa ospital at iba pang serbisyong medikal;
- Libreng legal counseling at konsultasyon;
- Job-matching services para sa mga naghahanap ng trabaho;
- Pagproseso ng clearance at iba pang legal records;
- At marami pang iba.
“Matagal na nating naririnig ang konsepto ng one-stop shop, pero ngayon lang natin ito mararamdaman nang buo,” ani Pangulong Marcos Jr. “Sa pamamagitan ng eGovPH App, nais nating gawing tunay na madali ang pakikipagtransaksyon sa gobyerno.” Ipinahayag din ng Pangulo na ang serbisyong ito ay bahagi lamang ng mas malawak na plano na palawakin ang BPESH sa buong bansa.
Binigyang-diin ni DICT Secretary Henry Aguda ang suporta ng kagawaran: “Ang inisyatibong ito ay patunay ng malasakit ng pamahalaan. Isa itong konkretong hakbang upang gawing mas accessible at episyente ang mga serbisyong pampubliko,” aniya. “Sa pagkakaisa ng mga ahensya at aktibong partisipasyon ng mga kawani, ang e-governance ay nagsisilbing tulay ng pagbabago para sa ating bayan.”
Samantala, ipinagmalaki ni DICT Undersecretary for eGovernment David Almirol Jr. ang tagumpay ng eGovPH App, na mayroon na umanong mahigit 40 milyong aktibong gumagamit, at sumasaklaw sa 70 government services mula sa 927 local government units. Ayon sa kanya, umaabot sa 70,000 hanggang 100,000 ang daily downloads ng app. “Totoong narito na ang Bagong Pilipinas,” ani Almirol.
Mainit namang tinanggap ni San Juan City Mayor Francisco Javier Zamora ang inisyatiba. “Isang karangalan para sa San Juan na maging tahanan ng kauna-unahang BPESH. Ipinagmamalaki namin ito,” wika ng alkalde.
Sa paglulunsad ng BPESH, inilalatag ng pamahalaan ang isang makabagong mukha ng pamumuno—isang Bagong Pilipinas na may serbisyong mabilis, episyente, at may malasakit para sa bawat Pilipino.