image

MARIKINA CITY — Pormal nang idineklara ni Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ngayong araw, Hulyo 23, ang Lungsod ng Marikina sa ilalim ng State of Calamity sa bisa ng City Council Resolution No. 25-013, kasunod ng matinding epekto ng mga pagbaha at iba pang kalamidad sa ilang bahagi ng lungsod.

“Bilang inyong Mayor, ating idineklara ang Lungsod ng Marikina sa ilalim ng State of Calamity alinsunod sa City Council Resolution No. 25-013,” pahayag ni Mayor Maan sa isang opisyal na anunsyo.

Layon ng deklarasyong ito na mapabilis ang pagtugon ng pamahalaang lungsod sa mga pangangailangan ng mga apektadong residente, kabilang na ang pamamahagi ng relief goods, pagbibigay ng emergency assistance, at pagsasagawa ng mga kinakailangang hakbang upang maibalik sa normal ang kabuhayan at kaligtasan ng mga mamamayan.

“Layunin nito na mapabilis ang paghatid ng tulong at agarang maisagawa ang mga hakbang upang matiyak ang kapakanan ng bawat pamilyang taga-Marikina,” dagdag pa ni Mayor Maan.

Kasabay nito, nanawagan ang punong-lungsod sa mga mamamayan ng Marikina na magkaisa sa gitna ng krisis.

“Sama-sama at tulong-tulong tayo, Marikina!” ani Mayor Maan.

Sa ilalim ng State of Calamity, maaaring gamitin ng lokal na pamahalaan ang calamity fund, mapabilis ang procurement ng mga kailangang kagamitan, at maipatupad ang mga mahahalagang hakbang para sa kaligtasan at kagalingan ng mga residente.

Patuloy din ang paalala ng pamahalaang lungsod sa mga mamamayan na maging mapagmatyag, sundin ang mga abiso ng awtoridad, at agad na lumikas kung kinakailangan.

image