MANILA — Pinalalakas ng Department of Science and Technology (DOST) ang paggamit ng teknolohiya at pananaliksik sa bansa sa pamamagitan ng pagbuo ng centralized tech hub na magsisilbing resource center para sa mga innovator, investor, at publiko.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., bahagi ito ng mas malawak na estratehiya para isulong ang mga bagong teknolohiya at maging ang mga lumang ideya na may panibagong gamit sa kasalukuyang panahon.
“Magiging sentro ito ng mga teknolohiyang maaaring gamitin ng mga nais mamuhunan o magsimula ng proyekto,” ani Solidum sa 8th National Research and Development Conference (NRDC) sa Manila Hotel noong Hulyo 23.
Isa sa mga inisyatibong binubuo ngayon ng DOST ay ang “Juana Know”, isang AI chatbot na tutulong sa pagsagot sa mga tanong ng publiko tungkol sa teknolohiya.
Nauna na ring inilunsad ang techhub.usd.gov.es — isang portal na naglalaman ng mga teknolohiyang puwedeng magamit o pagkakitaan. Gayunpaman, may mga teknolohiyang hindi maipapakita rito dahil sa intellectual property rights o pagiging public good ng mga ito.
Upang mas mapalawak ang inobasyon, sinusuportahan din ng DOST ang mga lokal na innovation hubs sa mga lalawigan. Sa mga ito, maaaring i-check ng staff kung may kapareho nang proyekto o teknolohiya sa ibang bahagi ng bansa upang maiwasan ang pag-uulit at mapabilis ang proseso ng inobasyon.
“Kung may pupunta sa innovation hub, titingnan agad ng staff kung meron nang katulad na proyekto—para hindi na maulit at mapadali ang proseso,” dagdag ni Solidum.
Sa parehong kumperensiya, binigyang-diin din ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang kahalagahan ng research and development (R&D) sa ekonomiya.
“Malapit sa puso ko ang R&D, dito ako nagsimula noong kolehiyo,” ani Pangandaman. “Ito ang tagapagpagalaw ng ating ekonomiya.”
Batay sa Philippine Development Plan 2022–2028, nasa ika-53 puwesto na ang Pilipinas sa 133 ekonomiya sa buong mundo, at kabilang na sa top 3 economic performers, nalampasan pa ang India at Indonesia.
Naglaan ang pamahalaan ng PHP7.49 bilyon para sa DOST Science Education Institute sa 2025, kabilang ang PHP3.54 bilyon para sa mga institusyong pang-agham ng DOST. Kasama rin dito ang pagtutok sa digitalization at human capital investments, gaya ng scholarship.
Nanawagan din si Pangandaman ng suporta sa panukalang Right to Information Bill bilang bahagi ng transparency at good governance.
Samantala, DOST Assistant Secretary Diana Ignacio ay nanawagan ng mas aktibong partisipasyon ng kababaihan sa larangan ng agham at teknolohiya. “Ano kaya ang magiging kaibahan kung mas maraming babae ang kasali sa inobasyon?” tanong niya sa mahigit 700 kalahok mula sa iba’t ibang bansa.
Batay sa datos ng World Economic Forum, nasa 69% pa ng gender gap ang hindi pa naisasaayos sa 148 bansa, at aabutin pa ng halos 123 taon bago ito maisara. Sa DOST mismo, 38% ng mga nasa pamunuan ay kababaihan.
Ayon sa UNESCO, isa lamang sa bawat tatlong mananaliksik ay babae. Kaya naman isinusulong ng DOST ang mga polisiya para mas mahikayat ang kababaihan na pumasok sa STEM (Science, Technology, Engineering and Mathematics), lalo na sa Asia-Pacific.
“Ang pagkakapantay-pantay ng kasarian ay hindi lang isyu ng karapatan, ito rin ay susi sa pangmatagalang kaunlaran,” giit ni Ignacio.