TAYTAY, RIZAL — Idineklara na ni Mayor Allan De Leon ang State of Calamity sa bayan ng Taytay dahil sa patuloy na pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan at banta ng paparating na bagyo na may kasamang Habagat.
Nauna nang nagdeklara ng State of Calamity ang mga karatig-bayan tulad ng Cainta at San Mateo. Humiling na rin si Mayor De Leon sa Sangguniang Bayan na maipasa ang deklarasyon upang mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong residente.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pag-ulan at may mga lugar pa rin sa Taytay na lubog sa baha. Namahagi na rin ng relief goods at iba pang ayuda ang lokal na pamahalaan para sa mga nasalanta.
Nagpasalamat si Mayor De Leon sa lahat ng ahensya at indibidwal na agad tumulong, kabilang sina Governor Nina Ynares, Congresswoman Mia Ynares, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Tingog Partylist, Sangguniang Bayan ng Taytay, Vice Mayor JV Cabitac, mga barangay captains at opisyal, at mga tanggapan tulad ng MSWD, MDRRMO, Municipal Health Office, pati na rin ang mga volunteers at NGOs.
“Ang inyong tulong, malasakit, at pagkakaisa ang nagsilbing sandigan ng ating bayan sa panahong ito ng pagsubok,” ani Mayor De Leon.
Ngayong Hulyo 24, 2025, nagsagawa rin ng Command Conference sa Mayor’s Office kasama ang limang barangay upang pagtibayin ang koordinasyon at pagresponde sa mga pangangailangan ng mga residente.
Pinag-iingat pa rin ng alkalde ang mga Taytayeño dahil tuluy-tuloy ang ulan at posibleng tumaas pa ang tubig baha sa mga mabababang lugar dulot ng paparating na bagyo at Habagat.