image

IBIS Styles Manila — Bilang tugon sa patuloy na banta ng African Swine Fever (ASF) sa industriya ng baboy, inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) at BioAssets Corporation ang tatlong makabagong teknolohiya para sa mas mabilis na pagtukoy at epektibong pamamahala ng ASF virus.

Sa isinagawang forum noong Lunes, Hulyo 28, na may temang “PigUsapan: Teknolohiya sa Tao, Agham, Teknolohiya at Inobasyon Laban sa ASF,” inilahad ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. na 76 sa 82 probinsya sa bansa ang tinamaan ng ASF mula nang unang maitala ito noong 2019. Ayon sa Department of Agriculture (DA), nananatili ang apat na aktibong kaso ng ASF, kasabay ng 25% pagtaas sa importasyon ng karneng baboy nitong Mayo 2025.

Ang mga inobasyong ito ay bahagi ng Virology and Vaccine Research Program (VRP) ng DOST sa tulong ng DOST-PCAARRD:

1. TUSLOB Rapid DNA Extraction Kit – Kayang kumuha ng DNA mula sa dugo o iba pang sample sa loob lamang ng 10 minuto, kahit wala sa laboratoryo.

2. VIPtec ASFV PCR Detection Kit – Portable PCR test kit na maaaring gamitin sa mga sakahan at kayang tukuyin ang ASF virus sa loob ng 1.5 oras.

3. Mobile Biocontainment Laboratory (MBL) – Kauna-unahang mobile laboratory na disenyo at gawa ng mga Pilipino para sa agarang pagsusuri sa mismong lugar ng outbreak.

Ayon kay John Paulo Jose, Science Research Specialist ng DOST-ITDI, ang TUSLOB at VIPtec ay gumagamit ng PCR technology. Aniya, hindi lamang ito isyung pang-agham kundi pambansang usapin na nangangailangan ng pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor, at mga mamamayan.

Ang mga kit ay nasa final development stage at tinatayang aabot sa P300–P1,000 bawat isa. Simula pa noong 2022, may kabuuang P46 milyon na pondo mula sa DOST para sa development at incubation ng mga teknolohiyang ito, bukod pa sa P100 milyon para sa limang taong pananaliksik para sa ASF vaccine.

Ibinahagi naman ni Shervi Encabo ng BioAssets ang kanilang patuloy na pananaliksik para sa ASF vaccine, katuwang ang gobyerno ng Amerika, upang tulungan ang mga apektadong magbababoy.

Giit ni Sec. Solidum, tungkulin ng DOST ang pananaliksik at pagpapaunlad ng teknolohiya, habang ang Department of Agriculture naman ang responsable sa implementasyon nito.

Dumalo rin sa forum sina DOST Undersecretary Lea Buendia, PCAARRD Executive Director Dr. Reynaldo Ebora, ITDI Director Dr. Annabel Briones, at iba pang eksperto. Binigyang-diin ni Dr. Ebora ang kahalagahan ng maagap na pagtukoy sa ASF upang mapigilan ang pagkalat nito.

Hinikayat ng DOST ang kooperatiba at mga lokal na negosyante na makilahok sa commercialization ng mga teknolohiyang ito. Dagdag pa ni Dr. Briones, nakikipag-ugnayan na ang DOST sa BioAssets at Manila Healthtech upang palawakin pa ang proyekto, kabilang ang importasyon ng ASF vaccine at pagpapalakas ng surveillance efforts.

image

image

image

imageimage