Isinagawa ang pagbuo ng Korpus ng Wikang Malaweg noong 14–16 Hulyo 2025 sa Brgy. Poblacion, Rizal, Cagayan.
Sinimulan ang gawain noong 14 Hulyo sa pamamagitan ng pagtitipon ng mga miyembro ng komunidad ng Malaweg at pagkuha ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC), na pinangunahan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)–Cagayan. Sa araw ding iyon, nilagdaan ang Memorandum ng Unawaan kaugnay ng pananaliksik. Lumagda rito ang mga kinatawan mula sa komunidad, NCIP, at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Noong 15–16 Hulyo, isinagawa ang koleksiyon ng mga salaysay mula sa mga katutubong tagapagsalita ng wikang Malaweg. Gumamit ang mga mananaliksik ng mga elicitation tools tulad ng visual aids at talatanungan upang hikayatin ang natural na pag-uusap, na mahalaga sa pagbuo ng korpus.
Ang pananaliksik ay isinagawa ng mga kawani mula sa Sangay ng Leksikograpiya at mga Korpus ng Pilipinas na sina Chinita Ann Francisco at Gina Arcilla, sa pangunguna ni Dr. Sheilee Vega.
Ang proyektong ito ay bahagi ng “Korpus ng mga Wika ng Pilipinas: Nanganganib na Wika,” na sinimulan noong 2024 ng KWF upang maisalba at mapreserba ang mga wikang nasa bingit ng pagkawala.