image

Pasig City – Muling bumalik ang Bloom & Brew Horticulture Philippines sa Capitol Commons Park mula Agosto 8 hanggang 10, 2025, hatid ang makulay na selebrasyon ng paghahalaman at makakalikasang pamumuhay. Tampok dito ang 42 plant partners na magpapakita ng iba’t ibang halaman, gamit sa hardin, at eco-friendly products para sa mga plant lovers at green lifestyle advocates.

Binuksan ang event nitong Biyernes, Agosto 8, sa parke katapat ng Estancia Mall, at magpapatuloy mula 10:00 AM hanggang 10:00 PM araw-araw, kahit umulan o umaraw.

Isa sa mga exhibitor, si April, ay nagsimula bilang hobbyist at ngayo’y isa nang exporter ng bonsai. Tampok din ang Kokedama Workshop – isang sining mula sa Japan ng paggawa ng moss ball planters para sa bonsai o iba pang halaman. Ang Kokedama ay mula sa salitang Hapones na Koke (moss) at Dama (bola). Maaaring isabit pataas o pababa, ilagay sa paso, o kahit sa niyebe. Nagsisimula ang presyo sa ₱100, depende sa laki at uri ng halaman, at magandang ipangregalo tuwing Pasko o Valentine’s Day at iba pang okasyon, ayon kay April.

Mga Tampok na Aktibidad:

– Agosto 9, 3:00 PM – 5:00 PM: Kokedama Workshop – Matutunan ang Japanese art ng moss ball planting para sa magandang indoor garden.

– Agosto 10, 3:00 PM – 5:00 PM: Permaculture Farming Demonstration & Talk – Alamin ang sustainable farming techniques mula sa permaculture expert na si Sixto Bereber.

Bilang dagdag sa kasiyahan, may Tabletop Competition na may temang “Colorful Plants”, kung saan ipapakita ng mga kalahok ang kanilang makukulay at malikhaing ayos ng halaman. Maaaring magparehistro sa Facebook page ng HortiFilipina o on-site sa Agosto 8. Tatagal ang kompetisyon hanggang Agosto 10, at gaganapin ang awarding ceremony sa Agosto 10, 8:00 PM.

Ayon kay Bianca Lagmay ng Ortigas Land, tumaas ang presyo ng mga halaman noong pandemya ng Covid-19 (Marso 2020 – Disyembre 2022). Aniya, hindi lahat ay may “green thumb” sa paghahalaman, ngunit puwede itong matutunan sa paglipas ng panahon. May mga halaman din sa event na ang presyo ay maaaring umabot hanggang ₱150,000.

Inaanyayahan ng mga organizer ang lahat—mapa-plant collector, baguhang hardinero, o pamilya at kabataan—na mag-enjoy sa isang weekend na puno ng greenery, creativity, at sustainability sa puso ng Capitol Commons.

image

image

image