MANDALUYONG CITY – Inilunsad noong sabado Agosto 9, ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong, sa pangunguna ni Mayor Menchie Abalos, katuwang ang Department of Health – NCR at PhilHealth, ang Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP sa Barangay sa City Hall.
Layunin ng programa na palawakin ang serbisyong pangkalusugan ng PhilHealth sa iba’t ibang sektor ng lipunan bilang bahagi ng pagpapatupad ng Universal Health Care Law.
Ayon sa PhilHealth, ang YAKAP ay dating kilala bilang Konsultasyong Sulit at Tama (KonSulTa) Program, ngunit mas pinalawak ang saklaw at benepisyo nito para sa pamilyang Pilipino.
Nagpasalamat si Mayor Abalos sa PhilHealth at hinimok ang lahat ng Mandaleño na maging miyembro at magparehistro sa programa.
Lumahok sa aktibidad ang mga senior citizen, solo parent, benepisyaryo ng 4Ps, at mga PWD mula sa iba’t ibang barangay. Sila ay nakatanggap ng libreng medical services tulad ng laboratory tests, CBC, chest X-ray, dental at eye check-up, oral health kits, at mga gamot.
Katuwang sa aktibidad ang City Health Department, City Social Welfare and Development Department, Office for Senior Citizens Affairs, at Schools Division Office.
Ang YAKAP sa Barangay ay nagsasagawa ng konsultasyon at health profiling sa mga accredited Yakap Clinics ng lungsod, pati onsite PhilHealth registration, updating ng member data, at pag-isyu ng PhilHealth ID.
Nagkaroon din ng maikling talakayan mula sa PhilHealth Local Health Insurance Office tungkol sa mga benepisyo, karapatan, at serbisyong makukuha sa iba’t ibang programa ng PhilHealth.