San Mateo, Rizal – Inalmahan ng lokal na pamahalaan ng San Mateo ang anunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na gagamitin ng Maynila ang New San Mateo Sanitary Landfill (NSMSLF) simula Agosto 27, 2025 sa pagtatapon ng kanilang basura, umano’y may basbas mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay San Mateo Mayor Bartolome “Omie” Rivera Jr., wala silang natanggap na abiso o konsultasyon bago ipatupad ang naturang desisyon. Paliwanag niya, ang NSMSLF ay itinayo lamang bilang alternatibong tapunan sakaling magsara ang landfill sa kalapit na bayan ng Montalban, at hindi ito nakalaan para sa malaking volume ng basura mula sa Metro Manila.
“Nangangamba tayo na mabilis na mapupuno ang kapasidad ng landfill, lalala ang trapiko, at tataas ang banta sa kalusugan ng ating mga mamamayan,” ani Rivera.
Giit pa ng alkalde, dapat isaalang-alang ang umiiral na batas gaya ng Local Government Code at mga batas pangkapaligiran. Hihilingin din aniya nila sa MMDA na muling pag-isipan ang plano at magkaroon ng pormal na pag-uusap ukol sa trapiko, pangangalaga sa kalinisan, at pamamahala ng tambakan upang maiwasan ang perwisyo sa mga residente.