image

Teresa, Rizal –Takot at pangamba sa mga residente ng Sitio Gulod Bayabas, at Sitio Bulak,  Brgy. Bagumbayan, Teresa, Rizal ang umano’y iligal na quarry operation na maaaring magdulot ng pagbaha at landslide sa kanilang lugar.

Ayon kay sitio chairman Renato Tisoy, dalawang linggo na mula nang magsumite sila ng petisyon kay Mayor Rodel Dela Cruz, ngunit wala pa ring tugon.

Sa petisyon ng higit 60 residente, iginiit nilang ang quarrying na pinamumunuan umano ni Rodel de Borja sa bundok na pag-aari ng Petron ay sumisira sa kalsada, nagdudulot ng putik, at nagpapahirap sa pagdaan ng mga tao.

Nabubuo rin ang malaking imbakan ng tubig tuwing umuulan na maaaring magresulta sa flash flood at landslide. Lalo silang nag-aalala dahil sako ng lupa lang ang inilalagay ng operator para harangin ang tubig—na sa tingin nila’y hindi ligtas.

Bukod dito, nagiging madulas na ang kalsada dahil sa putik mula sa mga trak ng quarry, na delikado para sa mga residente at motorista.

Kinuwestiyon nila kung bakit pinayagan ang operasyon kahit wala itong quarry permit at development permit lang ang hawak. Giit nila, malinaw na quarry-style excavation na ang ginagawa.

Mistula na raw bangin ang lugar na inihalintulad ng mga residente sa isang “bombang handang sumabog,” kaya nananawagan silang ipasara ang operasyon bago pa magdulot ng trahedya.

Sinisikap ng mga mamahayag na kasapi sa PaMaMariSan-Rizal Press Corps na makuha ang panig ng alkalde ukol sa nasabing usaping ito.

image