image

QUEZON CITY — Tiniyak ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya na walang iligal sa kanilang koleksyon ng mga luxury car na bunga umano ng halos tatlong dekada nilang trabaho sa industriya ng konstruksiyon.

Sa isang press conference sa Max’s Restaurant sa Scout Tuazon, Quezon City, sinabi ni Atty. Cornelio Samaniego III, abogado at tagapagsalita ng pamilya Discaya, na handa silang humarap sa Senado at wala silang itinatago.

Ayon kay Samaniego, may search warrant ang Bureau of Customs (BOC) ngunit nagulat umano ang mag-asawa nang puntahan sila ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno dahil wala ang ilang sasakyan sa bahay at ginagamit noon. Idinagdag niya na natagpuan ng BOC ang mga luxury car at napatunayang lahat ay legal na nabili mula sa mga awtorisadong dealer sa Pilipinas at hindi inangkat mula sa ibang bansa.

Sinabi rin ni Samaniego na may tax clearance at business clearance ang mga kumpanyang St. Timothy, St. Gerard, at Alpha and Omega mula Enero 20, 2025. Aniya, mas nais nilang ipakita ang kanilang panig sa pamamagitan ng mga dokumento at hindi sa social media.

Tungkol sa alegasyon ni Sen. Jinggoy Estrada na 80 luxury car ang pagmamay-ari ng mag-asawa, sinabi ni Samaniego na base sa testimonya ni Sarah Discaya sa Senado, 28 lamang ang kanilang sasakyan. May ilan na rin umanong naibenta ngunit hindi pa naililipat ang rehistro sa bagong may-ari.

Dagdag pa niya, hindi kailangan ng mayor’s permit sa Iloilo para sa mga proyekto ng kanilang kompanya dahil ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang direktang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.

Nanindigan si Samaniego na walang “ghost project” ang kanilang mga kumpanya at lahat ng proyekto ay nakasaad sa National Expenditure Program (NEP) at General Appropriations Act (GAA). Aniya, layunin ng pagpapakita ng mga luxury car na magbigay-inspirasyon sa publiko at hindi para sa pulitika.

Ayon kay Samaniego, bukas ang pamilya Discaya sa anumang imbestigasyon upang patunayan ang pagiging legal ng kanilang mga negosyo at proyekto.