Marikina City, Setyembre 4, 2025 – Pormal na inilunsad ngayong Huwebes ang Global Travel Mega Fair 2025 sa Barcelona Tower Function Room, Marquinton Residences, Sumulong Highway, Marikina City. Ang event na ito ang nagsilbing opisyal na kick-off para sa apat na araw na travel fair na gaganapin mula Setyembre 16–19, 2025 sa Ayala Malls Feliz.
Layunin ng Global Travel Mega Fair na pagsamahin ang mga travel brands, tourism stakeholders, at advocacy groups, habang binibigyang-diin ang pagtulong sa mga batang may kanser sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Tanging Hiling Foundation.
Sa press conference, ibinahagi ni Marga Nogara, Founder at Mindanao Noble Queen of the Universe, ang kanilang kasiyahan na makakatulong ang travel fair sa mga batang tinutulungan ng foundation. Sinabi ni Wharren Apellanes, CEO Founder, na mapupunta ang bahagi ng kikitain ng event sa mga cancer warriors.
Ibinahagi rin ni Mark Robiso, Admin Manager, na ang kanilang grupo ay nagbibigay ng serbisyo para sa migration at education assistance para sa mga Pilipinong nais mag-migrate sa Canada at Australia, pati na rin sa mga nangangailangan ng tulong sa pagproseso ng visa. Samantala, sinabi ni Leanne Jimeno, Operations Manager, na sila ay 15 taon nang accredited ng Department of Tourism at patuloy na nagbibigay ng tour packages.
Nagpasalamat si Ella Umali, Organizer at Committee Member ng Little Miss Philippines Tourism 2025, sa suporta ng media at mga partner. Binanggit niya na layunin ng kanilang pageant na ipromote ang mga makasaysayang lugar sa bansa, lalo na sa mga kabataang Gen Z.
Ayon kay Michelle Martinez, Managing Director, magiging isang malaking pagtitipon ang apat na araw na event kung saan makikita ang iba’t ibang travel at lifestyle partners sa iisang venue. Si Kristine Louise Lagman ng Sunlight Air, isa sa mga sponsors, ay nag-anunsyo ng kanilang promosyon sa mga flight tulad ng Manila–Cebu, Cebu–Siargao, at Clark–Cebu na may mga espesyal na diskwento sa mismong fair.
Ang Global Travel Mega Fair 2025 ay inorganisa ng International Media Con at International Advertising, katuwang ang Lungsod ng Pasig at Lungsod ng Marikina. Isa rin sa mga tampok ng fair ang Little Miss Philippines Tourism 2025 Grand Finals na gaganapin sa Setyembre 19, 2025.
Sa nasabing press conference, ipinakilala ang mga finalist na batang kandidata mula sa Cavite, Rizal, Siargao, Mandaluyong, Taguig, Pasig, Marikina, Quezon City, Antipolo, at Aklan. Ang Tanging Hiling Foundation, na may 50 batang cancer warriors, ang magiging pangunahing benepisyaryo ng travel fair.