image

QUEZON CITY – Inilunsad ng Department of Science and Technology–Industrial Technology Development Institute (DOST-ITDI) ang kanilang mga bagong teknolohiya sa pag-iipon at paggamot ng tubig upang makatulong sa mga problema tuwing tag-ulan at matugunan ang kakulangan ng malinis na inuming tubig sa bansa.

Sa isang press conference na ginanap sa Philippine Information Agency (PIA) noong Setyembre 4, ipinaliwanag ni Dr. Marianito T. Margarito, Hepe ng Materials Science Division ng DOST-ITDI, na kabilang sa kanilang mga inobasyon ang Rainwater Harvester with Hollow Fiber Membrane, dating kilala bilang Modular Rainwater Collection System. Ito ay gawa sa nanocomposite thermoplastic geomembrane at kayang mag-imbak ng hanggang 1 cubic meter ng tubig-ulan para magamit muli sa mga gawaing hindi nangangailangan ng inuming tubig, lalo na sa panahon ng emergency.

Ayon kay Margarito, ang sistema ay madaling ikabit at ilipat, kaya’t maaaring magamit sa iba’t ibang lugar.

Samantala, inilahad naman ni Engr. Rey L. Esguerra, OIC Deputy Director for R&D ng DOST-ITDI, na isa rin sa mga prayoridad nila ay ang pagbibigay-solusyon sa kakulangan ng ligtas na inuming tubig sa bansa. Ayon sa datos, may 3 milyong Pilipino pa rin na walang access sa malinis na tubig. Target ng Philippine Development Plan na mabigyan ng ligtas na inuming tubig ang 98% ng mga Pilipino sa taong 2028.

Kabilang sa kanilang mga teknolohiya ang:

Compact Wastewater Treatment System – Isang abot-kaya at sustainable na sistema na kayang maglinis ng 2–4 cubic meters na maruming tubig kada araw mula sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) at mga quick service restaurants (QSRs). Madali rin itong palakihin sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga reactor.

SAFEWATRS Mobile Water Disinfection System – Isang mobile system na nagbibigay ng ligtas na inuming tubig, partikular sa mga lugar na tinamaan ng sakuna o malalayong komunidad na walang sapat na suplay ng tubig. Sinubok na itong makagawa ng tubig na pumapasa sa Philippine National Standards for Drinking Water (PNSDW) 2017.

Sinabi ni Engr. Esguerra na ilan sa mga unit ay ginagamit na sa Ilocos Sur at iba pang lugar na madalas mawalan ng tubig. May presyo itong humigit-kumulang ₱300,000–₱400,000 bawat yunit, at bukas ang DOST-ITDI para sa mga pribadong kumpanya na nais sumailalim sa pagsasanay at maging accredited fabricator.

Dagdag pa rito, binigyang-diin ng DOST-ITDI na ang kanilang mga proyekto ay nakatuon sa community empowerment at pagpapaunlad ng teknolohiya upang matiyak na ang bawat Pilipino ay may access sa ligtas na tubig, lalo na sa panahon ng kalamidad.

image

image

image

Photo by: BEN BRIONES