MARIKINA CITY — Binigyang-diin ni Mayor Maan Teodoro sa flag-raising ceremony nitong Lunes ang kahalagahan ng mabilis na aksyon, disiplina, at malasakit sa serbisyo publiko—mga katangiang bumubuo sa “Alagang Marikina.”
Ayon sa alkalde, malaking tulong ang social media sa pagtukoy ng mga hinaing ng mga residente. “Kapag may reklamo o comment online, huwag na nating ipagpabukas kung kaya namang gawin agad. Kung kaya ngayong araw, gawin na natin ngayong araw,” aniya.
Dagdag pa ni Teodoro, ang pag-unlad ng Marikina ay hindi lamang nakasalalay sa pamahalaan kundi sa pakikiisa ng mamamayan. “Ang tunay na pag-unlad ay joint effort—sama-sama at tulong-tulong,” paalala niya.
Kasabay nito, nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mga guro bilang pagdiriwang ng World Teachers’ Day. “Kayo ang tunay na bayani na humuhubog ng mga future leaders. Saludo kami sa inyo,” sabi ni Teodoro.
Ibinahagi rin ng alkalde ang pagbubukas ng Alaga Centers sa District 1 (City Health Office) at District 2 (harap ng Concepcion Integrated School), na magsisilbing dagdag na tulay ng mga barangay health centers.
“Layunin nitong ilapit ang healthcare sa tao. Sa Marikina, gusto natin siguraduhin na ramdam ng bawat isa ang kalinga ng pamahalaan,” ani Teodoro.
“Ang Alagang Marikina ay hindi lang programa—ito ay kultura at pagkatao natin. Kaya sana, lagi tayong may malasakit at handang tumulong,” pagtatapos ng alkalde.