image

PASIG CITY — Sa pangunguna ng National Employees Union (DepEd-NEU) na pinamumunuan ng pangulo nitong si Atty. Domingo Alidon, nanawagan ang mga non-teaching at non-academic personnel ng Department of Education (DepEd) sa pamunuan ng kagawaran at sa Department of Budget and Management (DBM) na agad ipagkaloob ang Collective Negotiation Agreement (CNA) Incentive para sa taong 2025.

Ayon sa grupo, malinaw sa mandato ng Public Sector Labor-Management Council (PSLMC), sa ilalim ng Executive Order No. 180, na may karapatan ang mga unyon sa pampublikong sektor na magsulong ng mga benepisyo para sa mga kawani ng gobyerno.

Ipinaalala ng DepEd-NEU na noong 2024 ay naglabas ng anunsyo ang kalihim ng DepEd para sa pagbibigay ng ₱10,000 CNA incentive sa lahat ng non-teaching personnel. Umaasa sila na maipagpapatuloy ito ngayong 2025 at sana ay itaas sa hanggang ₱30,000, alinsunod sa pinahihintulutan ng PSLMC at DBM circulars.

“Kung nagawa ng kalihim at mga opisyal ng DepEd noong nakaraang taon na ipagkaloob agad ang CNA incentive, dapat ay magawa rin ito ngayon,” ayon sa grupo.

Bukod sa CNA incentive, nanawagan din ang grupo ng mas maagang pagbibigay ng Performance-Based Bonus (PBB).
Ayon sa kanila, hindi makatwiran na ngayong 2025 pa pinag-uusapan ang PBB para sa taong 2023.

“Ang dalawang taong pagkaantala ay hindi makatarungan. Wala itong katarungang panlipunan,” diin nila.

Paliwanag ng grupo, sapat na ang tatlo hanggang apat na buwan upang makumpleto ang pagsusuri ng Individual Performance Commitment and Review Form (IPCRF), kaya’t dapat maibigay ang bonus nang hindi lalampas sa panahong iyon.

Tinatayang aabot sa 87,000 non-teaching personnel ng DepEd sa buong bansa ang makikinabang sa CNA incentive — kabilang ang mga miyembro at hindi miyembro ng unyon.
Batay sa Executive Order No. 180, lahat ng non-teaching personnel ay may karapatang tumanggap ng nasabing benepisyo.

Ipinaliwanag ng grupo na ang pondo para sa CNA incentive ay hindi direktang nakapaloob sa General Appropriations Act (GAA), kundi ibinabayad mula sa savings ng kagawaran.
Noon umano, may nakalaang pondo ito sa pambansang badyet, ngunit kalaunan ay ibinalik sa sistemang savings-based noong panahon ni dating Budget Secretary Florencio Abad.

Dahil dito, umaasa ang DepEd-NEU na muling mailagay sa GAA ang pondo para sa CNA incentive upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagbibigay nito taon-taon.

Iginiit ng grupo na ang CNA incentive at PBB ay karapatan ng bawat empleyado ng gobyerno at hindi dapat ipagkait o ipagpaliban.

“Kung mabilis na nailalabas ang pondo para sa ibang proyekto, dapat ay ganoon din sa mga benepisyo ng mga empleyado. Ito ay makatarungan, nararapat, at pagkilala sa serbisyo ng mga lingkod-bayan,” pagtatapos ng grupo.

Sa huli, nanawagan si Atty. Alidon kay Education Secretary Sonny Angara na bigyang-pantay na atensyon ang non-teaching personnel, tulad ng pagbibigay ng suporta sa mga guro.“Maganda ang mga reporma ni Secretary Angara, pero sana mas matutukan din ang kapakanan ng mga non-teaching staff. Kailangan nila ng karera, pagkilala, at sapat na bilang sa mga paaralan,” ani Alidon.

.image