image

MARIKINA CITY — Nilinaw ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang tunay na kalagayan ng health facility project sa Barangay Concepcion Dos at pinabulaanan ang pahayag ng Department of Health (DOH) na dapat ay natapos na ang naturang pasilidad.

Ayon kay Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, nakaliligaw sa publiko ang pahayag ng DOH at hindi nito isinasaad ang totoong estado ng proyekto.

“Wag sanang iligaw ng DOH ang taumbayan sa katotohanan. Kapag nagbigay sila ng pondo, dapat buo na. Kawawa ang tao sa ginagawa ng DOH,” ani Teodoro.

Ipinaliwanag ng alkalde na natapos na ng lungsod ang Phase 1 ng proyekto — na kinabibilangan ng foundation at structural works — alinsunod sa pondong inilabas ng DOH.

“Ang pondong ibinigay ay para lamang sa unang yugto ng konstruksyon. Mali na sabihing dapat natapos na ang buong pasilidad sa limitadong pondong iyon,” dagdag pa ni Teodoro.

Sinabi rin ng alkalde na ilang ulit nang humiling ng karagdagang pondo ang lungsod ngunit hindi pa rin ito naibibigay ng DOH. Dahil dito, nagpasya ang lokal na pamahalaan na ituloy ang proyekto gamit ang sariling pondo upang matiyak ang pagpapatuloy ng serbisyo para sa mga residente.

Binigyang-diin pa ni Teodoro na matagal nang nakikipagtulungan ang Marikina sa DOH, kabilang na ang pagbibigay ng libreng lupang kinatatayuan ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC).

“Ang Marikina ay naninindigan sa katapatan, pananagutan, at tunay na paglilingkod sa publiko — hindi sa mga palusot o maling impormasyon,” ani Teodoro.

Ipinaliwanag naman ni City Administrator Dr. Mark Castro na ang saklaw ng Phase 1 ay hanggang foundation works lamang at ito ay natapos na ng lungsod. Humiling na rin umano ang para sa susunod na yugto ng konstruksyon ngunit hindi pa ito naaprubahan.

“Naglaan na ang lungsod ng P200 milyon sa Annual Implementation Plan (AIP) para sa 2026 upang matiyak na maipagpapatuloy ang proyekto. Hindi po namin pababayaan ang ganitong programa, lalo’t kalusugan ng mga taga-Marikina ang nakataya,” ani Castro.

viber_image_2025-10-15_13-25-36-545

image