MAYNILA —Tatapusin pa rin ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang paggawa ng Concepcion Dos Super Health Center kahit hindi pa naglalabas ng karagdagang pondo ang Department of Health (DOH).
Ayon kay dating alkalde Marcelino “Marcy” Teodoro, nangako ang lungsod sa DOH noong 2022 na tatapusin nito ang proyekto gamit ang sariling pondo dahil may sapat na pondo pa noon. Gayunman, naantala ang paglalabas ng pondo ng DOH, kaya’t hindi agad nasimulan ang proyekto na dapat ay natapos noong 2022.
Naisakatuparan lamang ito noong Nobyembre 2023, at natapos ang unang yugto noong Abril 19, 2024. Dahil sa pagbabago ng administrasyon at kakulangan ng pondo, humiling ang lungsod ng karagdagang tulong mula sa DOH, ngunit hindi ito naaprubahan.
Giit ni Teodoro, hindi sapat ang P21.5 milyon mula sa DOH upang maitayo ang apat na palapag na pasilidad na magsisilbi ring specialty center para sa mga may espesyal na pangangailangan.
Binanggit niyang marami ring proyektong pangkalusugan ang naisagawa ng lungsod, tulad ng Super Health Center sa Concepcion Uno, Marikina Diagnostic Center, Multi-specialty Medical Arts Building, at Mega Dialysis Center.
Isa rin ang Marikina sa mga unang lungsod na nakapasa sa Primary Care Standards ng DOH at may 100% accredited primary care facilities. “Patuloy nating pinagsisikapan na magbigay ng de-kalidad na serbisyong medikal sa mga taga-Marikina,” ani Teodoro.
Sa liham ng lungsod sa DOH noong Oktubre 9, 2025, sinabi nitong itutuloy na ng LGU ang pagtatapos ng proyekto gamit ang sariling pondo.
Nilinaw ng dating alkalde na hindi ghost project ang Concepcion Dos Super Health Center at natapos ang unang bahagi nito ayon sa plano. “Ang katotohanan ay hindi dapat pina-vlog—ito ay dapat bine-verify at pinanagutan,” aniya.
Dagdag niya, maiiwasan sana ang isyu kung nagkaroon ng tamang koordinasyon at beripikasyon sa pagitan ng DOH at ng lokal na pamahalaan. “Kapag opisyal ang nagsalita, may bigat ang mga salita. Dapat siguraduhin na ito ay batay sa katotohanan, hindi haka-haka,” paalala ni Teodoro.