TAYTAY, Rizal — Kasabay ng pagdiriwang ng Undas sa darating na Nobyembre 1, tiniyak ni Police Col. Feloteo A. Gonzalvo, provincial director ng Rizal Police, na puspusan na ang kanilang paghahanda para sa seguridad mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 3, 2025.
Ayon kay Col. Gonzalvo, pinaigting na ng Rizal Police Provincial Office ang mga hakbang upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko. Mayroong kabuuang 83 sementeryo sa buong lalawigan — 26 ang pampubliko, 47 ang pribado, at 7 naman ang mga kolumbaryo. Tinatayang aabot sa 400,000 katao ang bibisita sa mga sementeryo sa nasabing mga petsa.
Mahigit 2,340 pulis ang itatalaga sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Rizal, kabilang ang 300 sa Taytay, 369 sa Antipolo, at 182 sa Angono. Magtatayo rin ng mga police assistance desk at quick response teams sa bawat sementeryo.
Ipinaalala ni Gonzalvo na mahigpit na ipinagbabawal sa mga sementeryo ang pagdadala ng mga patalim, alak, baril, at malalakas na sound system. Simula Oktubre 28, mag-uumpisa na ang deployment ng mga pulis at force multipliers upang ipatupad ang mga patakarang ito.
Dahil limitado ang body cameras ng Rizal PNP, gagamitin ng mga pulis ang kanilang mga cellphone bilang alternatibong recording device. Tiniyak ni Gonzalvo na hindi nila hahayaang makapagsamantala ang mga kriminal sa panahon ng Undas.
Kabilang din sa kanilang paghahanda ang contingency plan sakaling magkaroon ng lindol o iba pang kalamidad, na tinalakay sa pagpupulong kasama ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Samantala, iniulat ni Gonzalvo na mula Oktubre 22 hanggang 23, nakapagsagawa ang Rizal PNP ng matagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga at mga wanted na kriminal. Aabot sa P1.06 milyon halaga ng shabu ang nakumpiska, katumbas ng 155.8 gramo, at 12 high-profile drug personalities ang naaresto.
Sa San Mateo, nasamsam ang 77.6 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P516,000, at tatlong baril ang nakumpiska. Sa kabuuan, 27 katao ang naaresto sa 12 drug operation at 11 operasyon laban sa mga wanted.
“Patuloy nating titiyakin ang kapayapaan at seguridad ng ating mga kababayan sa panahon ng Undas,” ayon kay Gonzalvo.

