Cainta, Rizal – Bumisita at nagsagawa feeding program ang PaMaMaRiSan–Rizal Press Corps para sa 42 senior citizens ng One Cainta Sunset Retreat sa Barangay San Juan, Cainta, Rizal. Namahagi rin sila ng libreng diaper, hygiene kits, food packs, at naghandog ng pamaskong awitin na nagpasaya sa mga lolo’t lola.
Nagpasalamat ang pamunuan ng pasilidad, sa pangunguna ni Frederick Salonga, sa suportang ibinigay ng grupo.
Itinatag ang Sunset Retreat noong Mayo 1, 2023 bilang proyekto ni Cainta Mayor Kit Nieto upang matiyak na walang senior citizen sa Cainta ang mapapabayaan. Ito ang kauna-unahang LGU-funded home for the aged sa Rizal at kadalasang napagkakamalang pribadong institusyon dahil sa ganda ng pasilidad at kalidad ng serbisyo.
Ayon kay Social Welfare Officer II Abegail Mae Pastor, pinili ang pangalang “Sunset Retreat” dahil sumisimbolo ito sa dapithapon ng buhay ng mga nakatatanda. Libre rito ang pagkain, gamot, check-up, at araw-araw na pangangalaga. Nakakakain ang mga residente ng lima hanggang anim na beses sa isang araw at may doktor, nurse, at caregivers na nakaantabay.
Mayroon din silang iba’t ibang aktibidad gaya ng monthly programs, sports fests, at Gala Night. Para sa Disyembre, White Christmas ang tema kasama ang Christmas Tree of Hope na naglalaman ng “10 wishes” ng bawat senior citizen.
Patuloy ding hinahanap ng pasilidad ang mga kaanak ng mga nakatatanda upang muling maibalik ang ugnayan. Kamakailan, isa sa mga residente ang matagumpay na naiuuwi sa Tacloban matapos mahanap ang kanyang pamilya.
Sa ngayon, hanggang 50 elders ang tinatanggap ng pasilidad upang maiwasan ang siksikan, at pinag-aaralan na ang pagpapalawak upang matugunan pa ang mas marami pang nangangailangan.
Facebook Comments



