Hinatulan ng Pasig City Regional Trial Court si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo bilang guilty sa kasong qualified trafficking kaugnay ng operasyon ng isang ilegal na POGO hub. Inilabas ang desisyon noong Nobyembre 20, 2025.
Kasama ni Guo, nahatulan din sina Rachelle Malonzo Carreon, Jaimielyn Cruz, at Walter Wong Rong ng habambuhay na pagkakakulong at ₱2 milyon multa bawat isa.
Nagsimula ang kaso matapos mabunyag ang ilegal na operasyon ng POGO na Zun Yuan Technology sa lupang pagmamay-ari ng Baofu Land Development, Inc., na kontrolado ni Guo. Inupahan ito ng kompanya para sa kanilang operasyon.
Ang PNP at PAOCC ang nagsampa ng reklamo matapos salakayin ang pasilidad noong 2024, kung saan natuklasan ang umano’y pamimilit sa daan-daang manggagawa na mang-iscam at ang pag-torture sa mga tumatanggi.
Dumalo si Guo at 15 iba pang akusado sa promulgasyon sa pamamagitan ng video conference.
Iba pang Kaso ni Guo:
Hunyo 2024: Pinawalang-bisa ng Manila RTC ang kanyang termino bilang alkalde matapos ideklarang iisa ang pagkatao ni Alice Guo at Guo Hua Ping.
Agosto 2024: Tinanggal siya sa puwesto ng Ombudsman dahil sa grave misconduct kaugnay ng online gambling hub na pinatatakbo umano ng Chinese nationals.
Setyembre 2024: Sinampahan siya ng DOJ ng kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act.
Kasama rin sa kaso si Dennis Cunanan, dating deputy director general ng TLRC at kinatawan ng Zun Yuan, pati ang iba pang opisyal ng tatlong POGO companies.
Ikinatuwa ng Department of Justice ang naging hatol. Ayon kay DOJ Undersecretary Nicholas Ty, malinaw na bunga ito ng masusing imbestigasyon at operasyon sa Bamban POGO noong 2024.
Bukod sa conviction, nakumpiska rin ang property sa Bamban na konektado sa operasyon. Dagdag ni Ty, ang human trafficking case ang “pinakamabigat” sa lahat ng kinakaharap na kaso ni Guo, kabilang ang falsification of documents at money laundering.
Si Guo at ang kanyang mga kasamahan ay pinatawan ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong.