Marikina Mayor, mas naghigpit sa trapiko at seguridad para sa Pasko

MARIKINA CITY — Bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng mamimili at motorista ngayong Christmas season, iniutos ni Mayor Maan Teodoro nitong Lunes, Disyembre 15, ang mas mahigpit na pamamahala sa trapiko at seguridad sa mga pamilihan at commercial areas ng lungsod.

Ayon sa alkalde, lumalala na ang trapiko sa ilang lugar kaya’t inatasan niya ang Office of Public Safety and Security (OPSS) at mga traffic enforcer na ayusin ang daloy ng sasakyan, lalo na sa mga pangunahing interseksiyon at pasukan at labasan ng Marikina.

Binanggit din ni Teodoro ang mga ulat ng mamamayan hinggil sa matagal na biyahe kahit hindi rush hour, gaya sa bahagi ng D. Mariano at J.P. Rizal, na umaabot umano ng 25 hanggang 30 minuto.

Dahil dito, ipinag-utos ang mas mahigpit na pagpapatupad ng loading at unloading rules at pagbuwag sa illegal parking upang mabawasan ang sikip ng trapiko ngayong holiday rush.

Binigyang-diin ng alkalde na ang mga hakbang ay para sa kaligtasan, kaayusan, at mas maayos na pang-araw-araw na galaw ng mga taga-Marikina.

Pinuri rin niya ang OPSS sa pakikipag-ugnayan sa mga vendor, mamimili, at drayber sa pagpapatupad ng trial traffic schemes.

Kasabay nito, hiniling ni Mayor Teodoro sa Marikina Police na paigtingin ang police visibility at seguridad sa mga pamilihan upang maiwasan ang pandurukot at iba pang insidente.

Nagpasalamat naman ang alkalde sa mga kawani ng lungsod, frontliners, at volunteers sa kanilang patuloy na serbisyo.

Facebook Comments