NGCP Nanawagan ng Unbundling ng Transmission Rate

Nanawagan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ihiwalay o i-unbundle ang transmission charges upang mas madaling maunawaan ng mga konsyumer ang iba’t ibang singil na nakapaloob sa kanilang buwanang bill sa kuryente.

 

Ipinaliwanag ng NGCP na ang transmission charges ay binubuo ng ilang bahagi, kabilang ang transmission wheeling at Ancillary Services (AS) charges. Ang transmission wheeling ay tumutukoy sa gastos sa paghahatid ng kuryente sa pamamagitan ng power grid, habang ang AS charges ay mga bayaring ipinapasa lamang (pass-through costs) sa mga generator na nagbibigay ng reserbang kuryente kapag may kakulangan o biglaang pagtaas ng demand.

 

Para sa November 2025 billing period, bumaba ang average transmission rate sa ₱1.3547 kada kWh, mula ₱1.5105 kada kWh noong Oktubre.

 

Binigyang-diin ng NGCP na sa mga nagdaang taon, malaking bahagi ng transmission charges ay nagmumula sa AS costs na hindi kita ng kumpanya. Ang mga halagang ito ay buo at direktang kinokolekta at ipinapasa sa mga AS provider, alinsunod sa mga patakaran ng regulasyon.

 

Kasama rin sa transmission charges ang Feed-in Tariff Allowance (FIT-ALL). Nilinaw ng NGCP na ang FIT-ALL ay hindi sinisingil sa mga distribution utility at electric cooperative tulad ng MERALCO at VECO, kundi tanging sa mga konsyumer na direktang nakakonekta sa power grid.

 

Ayon sa NGCP, sa nakalipas na taon ay naging pangunahing bahagi ng transmission charges ang AS rates dahil sa paglipat sa all-firm AS contracts at sa pagsisimula ng operasyon ng Ancillary Services Reserve Market.

 

“Ang AS at FIT-ALL ay mga pass-through costs na hindi pinakikinabangan ng NGCP,” paliwanag ng kumpanya. “Tungkulin naming kolektahin at ipasa ang mga ito nang buo sa mga AS provider at sa TransCo para sa FIT-ALL. Kaya nararapat lamang na malinaw itong ihiwalay sa transmission wheeling rates, na siyang tunay na singil ng NGCP para sa serbisyo ng paghahatid ng kuryente.”

 

Ayon sa NGCP, nararapat na malinaw na ihiwalay ang mga pass-through costs mula sa aktuwal na singil nito sa paghahatid ng kuryente.

Facebook Comments