MANDALUYONG CITY – Inanunsyo ng Philippine Red Cross (PRC) ang malawakang deployment nito mula Enero 8–10 para sa Nazareno 2026 na may temang “Debosyon. Traslacion. Misyon.” Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon, pangunahing layunin ng operasyon ang kaligtasan ng inaasahang milyun-milyong deboto.
Mahigit 1,200 personnel at volunteers, dagdag ang 143 pang responders, ang itatalaga sa buong ruta ng prusisyon. Tatlong shift ng volunteers ang magbabantay hanggang matapos ang aktibidad na maaaring tumagal ng 12–15 oras.
Labinsiyam na ambulansya, roving medical teams, at foot patrols ang nakaantabay, habang tatlong rescue boats ang naka-deploy sa Pasig River para sa insidenteng may kinalaman sa tubig. Magkakaroon din ng Modular Emergency Medical Unit na may 50-bed capacity para agarang gamutan sa lugar at 17 First Aid Stations at Welfare Desks sa Quirino Grandstand, Quiapo Church, at pangunahing kalsada.
Pinaalalahanan ni Dr. Gwen Pang ang mga deboto na magsuot ng komportableng cotton na damit, gumamit ng sunblock, at magdala ng tubig sa plastic bottle. Pinayuhan din na huwag magdala ng bata, backpack, labis na pera, at iwasan ang paggamit ng cellphone sa siksikang lugar.
Tiniyak ni Gordon na handa ang PRC sa major medical cases na dadalhin sa pinakamalapit na ospital, at may psychological first aid, family tracing, at hydration support din mula sa Welfare Services. “Sa bawat malaking pagtitipon, nandoon ang Red Cross,” aniya, at iginiit na ang kaligtasan ng deboto ang pinakamahalaga.
Nanawagan ang PRC sa mga deboto na unahin ang kalusugan at kaligtasan, manatiling hydrated, magsuot ng komportableng kasuotan, at agad magpagamot kung makaramdam ng hindi maganda sa Traslacion ng Nazareno 2026.