Nagbunyag ng SOP, Siya ang Pinahirapan — Discaya

Sa halip na papanagutin ang mga pulitikong umano’y tumanggap ng bilyong pisong SOP sa mga flood control project, ang kontratistang naglakas-loob na magsalita ang siya ngayong inuusig.

Ibinunyag ni Pacifico “Curlee” Discaya na matapos niyang ilantad ang matagal nang sistemang kickback sa mga proyekto ng pamahalaan, sila pa ang naging sentro ng imbestigasyon, habang nananatiling ligtas at tahimik ang mga makapangyarihang opisyal na umano’y nakinabang.

Ayon kay Discaya, isinugal niya hindi lamang ang kanyang negosyo kundi pati ang kanyang pangalan, kaligtasan at pamilya upang ibunyag ang katiwaliang matagal nang umiiral sa loob ng sistema. “Ginawa kaming malaking isda. Binabanggit ang ₱180 bilyong proyekto sa loob ng mahigit 20 taon, pero pinalalabas na parang kamakailan lang namin ito nakuha,” ani niya.

Mariin niyang itinanggi ang alegasyon ng mga “ghost project,” iginiit na ang kanilang mga proyekto—kalsada, paaralan at flood control—ay aktuwal na naipatupad at dumaan sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA). Aniya, kung may mga pekeng proyekto man, ito’y sinadyang likhain ng mga taong may layuning magnakaw ng pondo ng bayan.

Inamin din ni Discaya na ikinalungkot niya ang pagbabanggit ng ilang pulitikong umano’y tumanggap ng SOP, ngunit iginiit niyang hindi siya magsisisi sa pagsisiwalat. “Kung nakisabay na lang kami sa sistema, hindi sana kami ang napasama,” aniya.

 

Binatikos din niya ang mga imbestigasyon sa Senado na aniya’y tila nakatuon lamang sa mga kontratista at sa mga kamakailang proyekto, kahit matagal nang alam ng marami ang umiiral na sistema ng SOP sa loob ng burukrasya.

 

Mas tumindi pa umano ang personal na pinsalang dinanas ng kanyang pamilya matapos makulong ang kanyang asawang si Sarah, na inakusahan kaugnay ng isang proyektong iginiit niyang tunay at umiiral. “Handa naming patunayan sa korte na totoo ang proyekto,” ayon kay Discaya.

 

Sa kabila ng lahat, sinabi niyang may positibong epekto ang kanilang pagsisiwalat. Ayon sa kanya, mas naging maingat ngayon ang ilang kontratista at bumaba na sa humigit-kumulang 10 porsiyento ang SOP—patunay umanong totoo ang sistemang kanyang inilantad.

 

Ipinaliwanag din ni Discaya na ang mga flood control project ay isinasagawa nang paunti-unti dahil sa limitadong pondo at hindi nangangahulugang inabandona kapag hindi agad natapos.

 

Isiniwalat pa niya na ang mga kontratistang tumatangging magbigay ng SOP ay kadalasang nadidisqualify, habang ang mga pumapayag—kahit kulang sa kagamitan—ay patuloy na pinapaboran. Dagdag pa niya, maraming opisyal ng DPWH ang napipilitang sumunod sa utos ng mga pulitiko dahil sa takot na mawalan ng posisyon.

 

Sa huli, iginiit ni Discaya na tama pa rin ang kanyang naging desisyon sa kabila ng lahat ng dinanas. “Nailantad namin ang sistema,” aniya. “Pero sa bansang ito, kapag nagsalita ka laban sa katiwalian, hindi hustisya ang gantimpala—kundi pag-uusig.”

Facebook Comments