Marikina, Itinampok ang Matatag na Flood Control Program sa Pagbisita ng DPWH Secretary

Ipinresenta nina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro at Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro ang integrated flood control strategy ng Marikina sa pagbisita ni Vince Dizon, kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), noong Marso 4.
Ayon kay Mayor Maan, mahalaga ang suporta ng pambansang pamahalaan upang mapabilis ang mga proyektong pangkontra-baha tulad ng rehabilitasyon ng Marikina River at mga drainage project. Layunin aniya na mabawasan ang problema sa baha bago dumating ang tag-ulan. Dagdag pa niya, taon-taon ay nakabatay sa lakas ng Ondoy ang kanilang paghahanda.
Ipinaliwanag naman ni Rep. Teodoro na patuloy ang dredging o pagpapalalim at pagpapalapad ng ilog upang bumilis ang agos at madagdagan ang kapasidad nito. May koordinasyon din ang lungsod at ang Wawa Dam Authority sa maayos na pagpapakawala ng tubig mula sa dam upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng tubig.
Binigyang-diin din ang whole-of-government approach kung saan magkakaugnay ang mga proyekto ng lokal at pambansang pamahalaan, kabilang ang maayos na outfall drainage system na direktang naglalabas ng tubig-ulan patungo sa ilog.
Ayon kay Sec. Dizon, maaaring magsilbing modelo ang Marikina sa ibang lungsod dahil sa maayos nitong pagpaplano, mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya, at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga proyekto tulad ng pagtatatag ng no-build zones at mga retention basin na sasalo sa sobrang tubig, na makatutulong hindi lamang sa agarang pagbawas ng baha kundi pati sa pangmatagalang kaligtasan at katatagan ng mga komunidad laban sa epekto ng malalakas na ulan at bagyo.
Facebook Comments