FFCCCII Inilunsad ang TikTok Video Competition Part 2: “A Classroom for Every Dream”

MANILA — Inilunsad ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) ang ikalawang bahagi ng kanilang TikTok Video Competition na pinamagatang “A Classroom for Every Dream,” na naglalayong ipakita kung paano binago ng FFCCCII Barrio Schools Project ang buhay ng maraming Pilipino at komunidad sa bansa. 
Sa pakikipagtulungan ng Youth Committee at Public Information and Media Committee ng FFCCCII, inaanyayahan ang publiko na lumahok sa digital storytelling competition na magtatampok sa epekto ng proyekto sa edukasyon, mga komunidad, at sa paghubog ng mga pangarap ng mga mag-aaral.
Layunin ng kompetisyon na maipakita sa pamamagitan ng tunay at inspiradong kuwento kung paano nakatulong ang mga paaralang itinayo sa ilalim ng FFCCCII Barrio Schools sa pagbibigay ng ligtas na lugar para sa pag-aaral, pagpapalawak ng oportunidad, at pag-unlad ng mga komunidad.
 
May dalawang kategorya ang kompetisyon. Ang Category A: “My FFCCCII BarrioSchool Journey” ay para sa mga taong direktang konektado sa FFCCCII Barrio Schools, tulad ng mga estudyante, alumni, guro, o school staff. Samantala, ang Category B: “The FFCCCII BarrioSchools Story” ay bukas sa pangkalahatang publiko upang maipakita ang mas malawak na epekto ng programa sa lipunan.
Ang mga kalahok ay kailangang gumawa ng TikTok video na may habang isa hanggang dalawang minuto na nagpapakita ng epekto ng FFCCCII Barrio Schools sa personal na pag-unlad, pangarap ng mga estudyante, o sa komunidad. Pinapayagan ang paggamit ng anumang wika, ngunit kinakailangang may English subtitles ang video.
Batay sa pamantayan ng hurado, huhusgahan ang mga entry ayon sa relevance sa tema (35%), creativity at originality (25%), message impact (25%), at technical quality (15%). Nilinaw din ng organizers na hindi makaaapekto sa resulta ng kompetisyon ang bilang ng views, likes, o shares ng video.
Para sa mga mananalo, naghihintay ang ₱120,000 grand prize sa bawat kategorya, habang ang ikalawa at ikatlong puwesto ay makakatanggap ng ₱80,000 at ₱50,000 ayon sa pagkakasunod. Magkakaroon din ng limang espesyal na parangal na may tig-₱30,000, kabilang ang President’s Choice Award, Youth Leadership Award, Media Excellence Award, Education Impact Award, at Community Inspiration Award. Bukod pa rito, 20 entries ang bibigyan ng consolation prize na tig-₱10,000.
Ayon sa FFCCCII, magsisimula ang registration at initial upload ng entries sa Marso 9 hanggang Mayo 15, 2026, habang ang public posting ng mga video ay mula Mayo 5 hanggang Mayo 15, 2026. Isasagawa ang judging mula Mayo 16 hanggang Hunyo 5, 2026, at iaanunsyo ang mga mananalo sa Hunyo 8, 2026, bago ang awarding ceremony sa Hunyo 20, 2026.
Sa pamamagitan ng kompetisyong ito, inaasahan ng FFCCCII na mas maipakilala sa publiko ang malaking ambag ng Barrio Schools Project sa edukasyon sa kanayunan at kung paano ito naging daan upang mabigyan ng pag-asa at mas magandang kinabukasan ang maraming kabataang Pilipino.
Facebook Comments