KWF at USM, Pinagtibay ang Ortograpiya ng mga Wikang Manobo at Teduray; Lumagda sa MOU

Pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at University of Southern Mindanao (USM) ang pagbuo at pagpapatibay ng ortograpiya ng mga wikang Manobo Dulangan, Obo Manobo, at Teduray sa ginanap na pagpupulong noong Pebrero 25, 2026 sa USM.
 
Bumisita sina KWF Tagapangulo Atty. Marites A. Barrios-Taran at Komisyoner Carmelita C. Abdurahman kay USM President Dr. Jonald L. Pimentel bago ang programa. Nagpahayag ng suporta sina Pimentel at Dr. Radji A. Macatabon, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng USM, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga institusyon para sa pagpapaunlad ng mga katutubong wika.
 
Nagbahagi rin ng mensahe sina Komisyoner Abdurahman at Tagapangulo Barrios-Taran tungkol sa adbokasiya ng KWF para sa pangangalaga at pagpapalakas ng mga wika sa Mindanao.
Tampok din sa programa ang paglagda sa Memorandum of Unawaan (MOU) para sa proyektong Lakbay Silid-Aklatan. Layunin nitong palawakin ang akses sa mga materyales na pangwika sa mga paaralan sa Kidapawan at Cotabato.
 
Ipinaliwanag ni G. Kirt John Segui, Senior Language Researcher ng KWF, ang mga teknikal na bahagi ng ortograpiya. Aktibong nakibahagi ang mga dumalo sa talakayan.
Layunin ng inisyatibang ito na magkaroon ng pormal na sistema ng pagsulat ang mga nabanggit na wika upang mapanatili ang kanilang kultura at pagkakakilanlan.
Facebook Comments