Wikang Filipino Pinalalakas: KWF at PNU Lumagda sa Kasunduan para sa Sentro ng Wika at Kultura

MANILA — Lumagda ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Pamantasang Normal ng Pilipinas (PNU) sa isang Memorandum ng Unawaan (MOU) para sa pagtatatag ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa loob ng pamantasan, isang hakbang na naglalayong higit pang palakasin ang paggamit ng Wikang Filipino at mga katutubong wika sa larangan ng edukasyon, pananaliksik, at pampublikong diskurso.

 

Ayon sa KWF, ang sentro ay magsisilbing mahalagang plataporma para sa pagsusulong ng wikang Filipino bilang daluyan ng kaalaman, akademikong diskurso, at produksyon ng pananaliksik sa iba’t ibang larangan ng pag-aaral.

Sa kanyang mensahe sa seremonya ng paglagda, nagpahayag ng pasasalamat si KWF Chairperson Atty. Marites A. Barrios–Taran sa pamunuan ng PNU, partikular kay PNU President Dr. Bert J. Tuga, sa bukás na pakikipagtuwang ng pamantasan sa pagsusulong ng mga programang pangwika at pangkultura.

Binati rin ni Barrios–Taran ang Pangalawang Pangulo ng pamantasan, mga kasapi ng Lupon ng Rehente, mga faculty members, pinuno ng mga sangay, mga guro at mag-aaral ng PNU, gayundin sina Dr. Benjamin Mendillo Jr. at Dr. Carmelita C. Abdurahman, kasama ang iba pang mga kasapi ng Komisyon sa Wikang Filipino at mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino.

 

Kinilala rin sa programa ang mahalagang papel ni Full-time KWF Commissioner Dr. Benjamin Mendillo Jr., na nanguna sa mga hakbang upang maisakatuparan ang pagtatatag ng Sentro ng Wika at Kultura sa PNU—na magiging kauna-unahang SWK sa National Capital Region (NCR).

 

Ayon sa komisyon, ang pagtatatag ng sentro ay isang mahalagang hakbang sa institusyonalisasyon ng wikang Filipino bilang daluyan ng kaalaman, pananaliksik, at diskursong akademiko sa mga institusyong pang-edukasyon.

 

Inaasahan na magsisilbing lunsaran ng sistematikong pananaliksik, publikasyon, at programang akademiko ang Sentro ng Wika at Kultura, na magpapalalim sa pag-aaral at pagpapahalaga sa wikang Filipino at kulturang Pilipino.

 

Bukod dito, layunin din ng sentro na suportahan ang mas malawak na paggamit ng Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas sa pagtuturo, pananaliksik, at pampublikong talakayan, habang pinatitibay ang papel ng mga lokal na wika sa produksyon ng kaalaman.

Binigyang-diin ng KWF na ang nasabing kasunduan ay bahagi ng mas malawak na layunin ng komisyon na palakasin ang pambansang kamalayang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapaunlad at pagpapayabong ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng bansa.

 

Ayon pa sa komisyon, inaasahang magsisilbing mahalagang institusyon ang Sentro ng Wika at Kultura sa paghuhubog ng mga iskolar, guro, at mananaliksik na magpapalawak sa paggamit ng Filipino bilang wika ng kaalaman at kritikal na pag-aaral.

Facebook Comments