PINILI, Ilocos Norte – Dalawang motorized tricycle o kurong-kurong ang ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) Ilocos Norte sa UPON Multi-Purpose Cooperative sa Barangay Upon, Pinili, upang mapabilis ang transportasyon ng mga ani at mapataas ang kita ng mga magsasaka.
Ipinamahagi ang mga sasakyan sa ilalim ng Enterprise Development and Economic Support (EDES) Program ng DAR, na nagbibigay ng mga kagamitan at suportang teknikal sa mga samahan ng mga benepisyaryo ng repormang pansakahan upang mapalakas ang kanilang kabuhayan.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Jessamine R. Jimenez, JD, malaking tulong ang mga kurong-kurong sa pagpapababa ng gastos sa transportasyon at pagpapabilis ng paghahatid ng mga produkto mula sa bukirin patungo sa pamilihan.
Binigyang-diin din niya na layunin ng EDES Program na gawing mas matatag, mas produktibo at mas handa ang mga kooperatiba sa pagpapalago ng kanilang mga negosyo, na magreresulta sa mas mataas na kita at mas maunlad na mga pamayanang agraryo.
Nagpasalamat naman si UPON MPC Chairperson Larry Bagayas sa ipinagkaloob na suporta ng DAR. Aniya, malaking ginhawa ang mga bagong sasakyan dahil mapapababa nito ang gastos sa transportasyon at mapapabilis ang pagbebenta ng kanilang mga ani.
Pormal na tinanggap ng kooperatiba ang dalawang yunit ng kurong-kurong sa isang turnover ceremony na dinaluhan din ni Sangguniang Bayan Member Reizel Cabie, mga opisyal ng barangay, at mga miyembro ng kooperatiba.